Goyo*

NGAYONG ika 2 ng Disyembre ay ang ika 118 anibersaryo ng kamatayan ni Gregorio Del Pilar sa Pasong Tirad.

Nasawi ang batang heneral sa Pasong Tirad habang binibigyan ng panahon ang kanyang padron na si Emilio Aguinaldo na makalayo mula sa mga humahabol na sundalong Amerikano kahit malinaw pa sa sikat ng araw na winaldas niya (Aguinaldo) ang pagkakataon para magtagumpay ang rebolusyon na inumpisahan ng kanyang ipinapatay na si Andres Bonifacio.

Si Gregorio, na mas kilala ng mga kababaihan sa palayaw na Goyo, ay ipinanganak noong ika 14 ng Nobyembre, 1875 sa Bulacan, Bulacan. Pamagnkin siya ng magiting na bayani na si Marcelo H. Del Pilar.

Si Gregorio ay isa sa pinakatapat na tao ni Aguinaldo na iniuugnay sa kamatayan ng magkapatid na Manuel at Jose Bernal, mga tauhan ni Heneral Antonio Luna na ipinapatay din ni Aguinaldo sa kanyang mga bantay sa Cabanatuan, Nueva Ecija noong Hunyo 5, 1899.

Bagamat sinasabing tunay na matapang si Gregorio kaya ito naging heneral sa batang edad, mas nakilala siya dahil sa kanyang walang saysay na pagkamatay sa Pasong Tirad sa bayan Cervantes, Ilocos Sur.

Ayon sa mga testigo ay nakumbinse ni Aguinaldo si Goyo na manindigan sa Pasong Tirad upang harangin ang mga Amerikano sa kabila ng kakapusan ng tao at kawalan ng maayos na paghahanda. Kaya naman hindi kataka-taka na sa loob lamang ng anim na oras ay natalo sila ng mga Amerikano katulong ang isang giya na Pilipino na nakilalang si Januario Galut.

Ayon sa namayapang premyadong historyador na si Nick Joaquin sa kanyang akda na “A Question of Heroes,” dapat ay nagwagi si Gregorio sa Pasong tirad kung mayroon lamang tamang preparasyon at hindi hibo lamang ang nasa likod ng desisyon na manindigan sa Pasong Tirad.

Sabi ni Joaquin, “The annals of war show that in mountain warfare, especially in actions on a mountain pass, the advantage is with the defender, not the invader, and victory must be expected from the defender.”

Idinagdag pa ni Joaquin na katangahan ang pasya na tindigan ang Pasong Tirad ng 60 tao lamang (52 sa kanila ang napatay sa labanan samantalang dalawang Amerikano lamang ang kanilang napatay). Pinatunayan ng Pasong Tirad na hindi puwede ang istilo nating mga Filipino sa pagtugon sa mga problema na “pwede na yan o OK na yan.”

Bukod sa walang saysay na sakripisyo sa Pasong Tirad, ay umalabas na ang kamatayan ni Gregorio ay bunga ng kawalan ng karanasan sa labanan.

Ayon kay Telesforo Carrasco, isa sa mga sundalo ni Gregorio, pinagsabihan na ang heneral na magkubli dahil siya ay isang target subalit sa kagustuhan na makita niya ang mga bumabaril sa kanya ay pilit na sumungaw ito mula sa damuhan kaya nabaril sa leeg at agad na namatay.

Idiniin ni Joaquin na ang Pasong Tirad ay hindi simbolo ng kabayanihan kundi ng katangahan.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

One Comment

  1. Pingback: Goyo* - Duterte Daily

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *