Environment News

Pit mining babalik sa Eastern Samar?

MAHIGPIT na titnututulan ng mga residente ng isla ng Manicani sa bayan ng Guiuan, Eastern Samar ang pagbabalik at muling pagmimina ng Hinatuan Mining Corporation dahil sa naranasan nilang matinding kapinsalaan nuong una na itong naghukay sa kanilang bayan para sa mga likas yaman.

Ayon kay Marcial Somooc, presidente ng Save Manicani Movement-Protect Manicani Island Society, bukod sa kapinsalaan na hatid ng HMC, na pag-aari ng makapangyarihang pamilya Zamora, ay isang protected area ang isla ng Manicani kung kaya’t sinasabing bawal sa batas ang pagmimina dito.

Idiniin ni Somooc sa isang pulong balitaan nitong Lunes, na dahil sa walang pakundangang pagwasak ng HMC sa kapaligiran ng Barangay Buenavista, Banag, Hamor Awan, at San Jose ay nasira na ng husto ang kanilang bayan.

Sinabi pa ni Somooc na dating sagana sa mga prutas na pinya, kalamansi, cassava, suha, kopra, danggit, at nahuhuling yellow pin ang kanilang bayan subalit simula nang magsimula ang mining sa kanilang bayan nawala na ang mga ito.

“Dating mayaman sa likas na yaman ang isla ng Manicani subalit nang magsimula ang pagmimina sa naturang isla unti-unting namatay ang pinagkukunan ng kabuhayan ang mga residente sa lugar” ani ni Somooc.

Ayon kay Somooc ay kasama nila sa kanilang laban si dating environment secretary Gina Lopez, na unang nagpatigil sa ginagawang pagmimina ng HMC sa isla; ang grupong Sanlakas sa pamumuno ni Atty. Aaron Pedrosa at grupong Alyansa Tigil-Mina.

Nagpahayag ng pangamba ang mga residente ng naturang isla dahil naghain muli ng application to operate ang HMC dahil napaso na ang permit nito nitong nagdaang buwan ng Oktubre.

Matatandaang na una nang naglabas ng DENR Administrative Order 2017-10 si Lopez na nagbabawal sa open-pit mining tulad ng ginagawa ng HMC.

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

One Reply to “Pit mining babalik sa Eastern Samar?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.