News

Panahon na para maitayo muli ang konsulado sa Houston, Texas*

SA KABILA ng napakaraming Pilipino na ang naninirahan sa State of Texas, ang pangalawa sa pinakamalawak na estado ng United States kasunod ng Alaska, ay nanatiling tila nagdadalawang isip pa rin ang pamunuan ng Department of Foreign Affairs na magtayo ng konsulado sa State na ito.

Ayon sa mga ulat na nakarating sa Usaping Bayan ito ay dahil sa ilang interes umano na  sinasabing sumasabotahe sa planong pagtatayo muli ng konsulado sa Houston, Texas kung saan naninirahan ang bulto ng mga Pilipino sa State na ito.

Ibig daw ng “saboteurs” na manatili ang kasalukuyang siste kung saan sa isang outreach program lamang naabot ng konsulado ng Pilipinas mula sa Los Angeles ang mga kababayan natin na naninirahan sa buong Texas, lalo na yung kailangang mag-ayos ng kanilang pasaporte at dual citizenship.

Dangan kasi ay nabibiyayaan daw ang mga interes na ito sa tuwing magkakaroon ng outreach program sa Texas. Tiyak daw na mawawala ang biyaya kung matatayong muli ang konsulado sa Houston.

Gayun man ay pinabulaanan ito ng isang “insider.” Wala raw katotohanan ang haka-hakang ito. Nagkakaisa raw lahat ng mga kababayan natin sa panawagan na kailangan na nga ng konsulado sa Texas sa lalong madaling panahon.

Para sa kaalaman ng lahat ay dati ng may konsulado sa Houston, Texas – ang ika-apat sa pinakamalaking lungsod sa US at sentro ng iba’t ibang konsulado ng iba-ibang bansa. Isinara ito noong dekada 90 dahil kaunti raw ang bilang ng mga Pilipino na naninirahan dito. Subalit sa pagdaan ng panahon ay lumobo na ang bilang ng mga kababayan natin na naninirahan sa southern state na ito at ayon sa census ay umaabot na sila sa halos 200,000.

Karamihan sa kababayan natin na nasa Texas ay mga doktor, nars at guro na nagsususmikap upang makapag-padala ng pera sa mga naiwan nila sa Pilipinas.

Hindi lingid sa mga taga-konsulado sa Los Angeles na umaabot sa 24 oras ng walang tigil na mabilis na pagmamaneho ang biyahe mula sa Houston, Texas hanggang sa ating konsulado sa LA at umaabot naman ng tatlong oras at kalahati ang biyahe sa eroplano.

Malaking gastusin at abala sa libong mga kababayan natin ang magparoo’t parito sa konsulado sa LA. Sila ang mga tao na matutulungan ng DFA kung itutuloy ng departamento ang pagtatayo ng konsulado sa Texas.

Kaya nananawagan po ang Usaping Bayan kay DFA Secretary Alan Peter Cayetano, Philippine Embassy Chargé d’Affaires Patrick Chuasoto at Consul General Adelio Angelito Cruz na pakinggan ang daing ng nakararaming kababayan natin.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Miyerkoles at Biyernes. Makikita rin sa  http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

One Reply to “Panahon na para maitayo muli ang konsulado sa Houston, Texas*

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.