PDEA papasukin ang Bilibid

New Bilibid Prison. Image © http://newsinfo.inquirer.net

MAGBUBUKAS ng tanggapan ang Philippine Drug Enforcement Agency sa loob ng bilibid at iba pang bilangguan na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Corrections upang makatulong sa pagsawata sa kalakalan ng bawal na gamot sa mga pasilidad na ito.

Ito ang napag-alaman ng mga mamamahayag matapos magpirmahan ng kasunduan o Memorandum of Agreement (MoA) si PDEA Director General Aaron Aquino at BuCor Officer-in-Charge na si Valfrie Tabian sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Ang MoA ay magbubunsod sa mas mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 9165 (the Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) sa loob ng mga bilangguan ng BuCor. Bukod sa mahigpit na pagpapatupad ng batas ay magtutulungan mabuti ang mga ahente ng PDEA at tauhan ng BuCor sa pagsugpo sa kalakalan ng droga.

Ipinaliwanag ni Aquino na ang MoA ay pagpapalawig lamang ng mga kasunduan ng PDEA at BuCor na unang nilagdaan noong Marso at Septiyembre, 2015.

Maliban sa Bilibid, pinangangasiwaan ng BuCor ang Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City, Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City, Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro, Leyte Regional Prison sa bayan ng Abuyog, Leyte; San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City at ang and Davao Prison and Penal Farms sa Davao del Norte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *