Panukalang pagtatayo ng pasugalan sa Quezon City tututulan

A casino table. Image © http://www.toledoblade.com

TUTUTULAN ng bagong tatag na Kilusan Kontra Kasino sa Kyusi (4Ks) ang planong pagtatayo ng pasugalan sa Quezon City dahil umano sa idudulot nito na kapinsalaan sa mga mamamayan.

Ito ang napag-alaman nitong Lunes ng Beyond Deadlines sa isang pulong balitaan kung saan ibinunyag ni Edwin Rodriguez, punong convenor ng 4K, na pinaguusapan na umano sa konseho ng lungsod ang balakin na itayo ang kasino sa Quezon City.

Idinagdag pa niya na ilan sa mga konsehal ng lungsod na ibig magpasa ng ordinansa kaugnay sa pagtatayo ng pasugalan, ay nakikipag-ugnay na sa kapitalista ng kasino. Gayun man ay hindi pa niya pinangalanan ang mga ito.

Quezon City council. Image © http://quezoncitycouncil.ph

Ipinaliwanag ni Rodriguez na ang Quezon City, ang pinakamalaking lungsod sa Metro Manila, ay isang siyudad na residensyal at ang pagtatayo ng kasino ay magbubunga lamang ng mga usaping panlipunan.

Sinabi pa niya na madadagdag lamang ang problema na hatid ng mga kasino sa pinoproblema nang mga suliranin ng mga residente ng lungsod katulad ng pagkakaroon ng mga maraming off-track betting stations (OTBs) para sa karera ng kabayo, sabungan, at electronic games o e-games shops.

Mas makabubuti umano na manatili na lamang ang mga casino sa mga lugar na dinarayo ng mga turista, diin ni Rodriguez.

Kasabay nito ay hinikayat niya ang mga konsehal ng lungsod na bigyang konsiderasyon ang maraming usaping bumabalot sa malakihang pagsusugal bago gumawa ang mga ito ng desisyon lalo na’t ang operasyon ng mga kasino ay 24/7.

One Comment

  1. Pingback: Panukalang pagtatayo ng pasugalan sa Quezon City tututulan - Duterte Daily

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *