Iligal na sugal namamayagpag*

PATULOY nga ba na kumakalat ang iligal na sugal nang hindi man lang nalalaman ng matatapang at magigiting nating kapulisan?

Mahirap yata itong paniwalaan dahil batid naman ng lahat na matindi ang pang-amoy ng mga pulis kapag may iligal na aktibidad na nagaganap sa kanilang nasasakupan.

Dito nga lang sa Pasay ay patok na patok ang iligal na sugal sa Pilapil Street, Humildad Street, Maricaban area, Malibay area, Santo Niño area, Pasay Boulevard, Muñoz Street, Estrella Street at Maginhawa Street.

Bagaman bago ang bangka, nakarating sa amin na ginagamit umano nila ang mga pulis na nag ngangalang PO3 Bebet at Caloy. Kahit ang mga kapitan ng barangay ay kumikita rin daw rito dahil tumatanggap daw sila ng P1,000 kada puwesto bawat araw.

May basbas daw ito nina Pasay City Mayor Tony Calixto at Pasay Police chief Senior Superintendent Diony Bartolome. Palabas lang daw na kunwari ay galit dito si Mayor Calixto.

Itong si Bebet na nakatalaga sa Headquarters Support Group ng Region 3 ay hindi raw nagdyu-duty. Bukod sa hawak na color games ay nagsisilbi rin umano itong kolektor ng ilang opisyales ng Southern Police District (SPD), Eastern Police District (EPD) at Parañaque Police.

Si Caloy naman ay may puwestong saklaan sa Ilaya, Divisoria sa Maynila at pati na sa Olongapo City. Ang kanyang kapatid na si Brian ay nangongolekta naman daw para sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP.

Ang koleksyon ay nabili raw ng isang alyas “Dolphin.”

Ang “bentahan” ng koleksyon ay uso na rin. Sa madaling salita ay gagarantiyahan ng isang grupo na buwan-buwan ay matatanggap ng CIDG ang napagkasunduang halaga.

Kapag mas malaki ang pera na nakolekta ng grupo sa mga iligalista, ang sosobra ay sa kanila mapupunta. Pero kapag nagkulang ang nakalap ay dapat abonohan nila upang mapunuan ang halagang dapat mapunta sa CIDG.

Ano ang nangyayari sa pinamumunuan mo, CIDG director Chief Superintendent Roel Obusan? Wala ka bang alam dito, PNP chief Director General Ronald dela Rosa?

Bukod kina Calixto at Bartolome, tinatawagan din natin ng pansin sina Parañaque police chief Senior Superintendent Leon Rosete, SPD head Chief Superintendent Tomas Apolinario Jr., Eastern Police District (EPD) chief Senior Superintendent Romulo Sapitula, Manila Police District (MPD) head Chief Superintendent Joel Coronel at Olongapo City police chief Senior Superintendent Melchor Cabalza III.

Hahayaan ba ninyong patuloy na mamayagpag ang mga iligal na sugal sa ilalim ng inyong ilong nang wala kayong ginagawa? Paano maipatutupad ang batas kung bulag sa iligal na kaganapan

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *