News

Isa patay, 12 sugatan sa riot sa loob ng siksikang QC Jail

Sleeping inmates of the crowded Quezon City Jail. Image © getrealphilippines.com

ISANG preso ang patay habang 12 naman ang nasugatan nang magkaroon ng riot sa Quezon City Jail matapos magbakbakan ang mga miyembro ng Bahala na Gang at Batang City Jail nitong Biyernes ng madaling araw.

Nakilala ang napatay na detainee na si Hermano Alfredo, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik gang. Wala umanong kinalaman ang biktima sa puno’t dulo ng riot, na tumagal ng isang oras, subalit sa kabila nito ay minalas na siya ay napatay.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, mga bandang 4 ng umaga ng sumiklab ang kaguluhan sa loob ng piitan nang hindi sinasadyang mabuhusan ng tubig ang isang natutulog na miyembro ng BCJ nang isang dumaraan na kasapi ng BnG.

Napagalaman pa ng mga imbestigador na natabig lamang ng nagmamadaling BnG ang timba na naglalaman ng tubig na naging sanhi upang tumapon ito sa natutulog ng miyembro ng BCJ. Inakala umano ng BCJ na binuhusan siya ng ihi ng taga-BnG, na nang mga oras na iyon ay nagmamadaling papunta sa isang kasamahan na binabangungot umano.

Sinabi ng jail warden na si Supt. Ermilito Moral na dahil sa pangyayari ay nag-girian ang mga miyembro ng BCJ at BnG at nauwi ito sa kaguluhan na kinatampukan ng batuhan ng kahoy, bato at upuan. Idinagdag pa niya na umabot ng isang oras bago tuluyang naawat ng mga rumespondeng pulis ang gulo.

Ayon pa kay Moral, nagusap ang mga pinuno ng BCJ at BnG matapos ang riot at nagkasundo nang mapag-alaman na aksidente lamang ang pinagmulan ng alitan.

Upang makatiyak na wala ng gulo ay agad na ipinagutos ni Moral ang paggalugad sa lahat ng sulok ng QCJ para masiguro na walang itinatagong mga armas ang mga gang sa loob ng piitan.

Samantala, sinabi ng mga eksperto na naiwasan sana ang riot kung hindi siksikan ang QCJ. Dagdag pa nila na dahil sa dami ng mga detainee at maliit na espasyo sa detention center ay madaling uminit ang ulo ng mga naka-detain dito sanhi upang madalas na magkaroon ng gulo o riot.

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.