Walang tiwala*

IPINAGTANGGOL ni Foreign Secretary Alan Peter Cayetano sa isang press conference ang mga tagasuportang blogger na kanilang isinama sa biyahe sa New York para i-cover ang kanyang speech sa United Nations General Assembly.

Kinumpirma rin niya na ginamit ang pera ng mga nagbabayad ng buwis para tustusan ang gastusin ng naturang mga blogger. Bakit kailangang sagutin ng gobyerno ang tranportasyon, hotel, allowance at ibang gastusin ng bloggers na gamit ang pera ng taxpayers? Tama ba ito?

 

 

Nang tanungin si Cayetano kung bakit kasama ang mga blogger sa official delegation, sinabi ng kalihim na paano na umano ang coverage nila kung wala ang bloggers?

Kataka-taka ito para sa marami dahil mukhang nakalimutan na ni Cayetano na mayroon silang government news channel, Philippine News Agency (PNA), official reporters at photographers na ang tungkulin ay mag-cover ng aktibidad ng administrasyon dito sa bansa at pati sa abroad. Hindi ba karapat-dapat lang na sila ang suportahan at isama ng kalihim sa pagbiyahe nila sa ibang bansa?

Nag-cover sa pagtitipon ang international news agencies. Nariyan din ang mga lehitimong mamamahayag na kahit narito sa bansa ay nakakukuha ng mga detalye sa nakagawiang mga pamamaraan nang libre at hindi umaasa na gagastusan sila ng gobyerno.

Karamihan ng blogging ay pagsusulat ng sariling opinyon sa partikular na paksa sa Internet. Pero may mga lehitimong mamamahayag na hindi sumasang-ayon sa bloggers.

Hindi kasi maituturing na biro ang dinaanan ng mga mamamahayag para makarating sa kanilang kinaroroonan. Naniniwala sila na hindi maaaring maupo na lang sa harap ng computer sa maghapon at magsulat nang magsulat. Kailangan nilang lumabas, mag-interview, mag-imbestiga sa isyu bago nila isulat ang kanilang nalaman.

Ang blogger ay kayang isulat ang anumang bagay kahit na minsan-minsan ay palpak at mali ang impormasyon.

Masisisi ba natin kung bakit hanggang ngayon ay maraming lehitimong journalist ang walang tiwala sa bloggers?

*              *              *

Nais ipagbigay-alam ng kapwa natin taga-media na  si Rex Cayanong ang “1st Ka Rex Cayanong Target Invitational Cup” na sisipa sa Rizal sa Enero 2018.

Kaagapay sa naturang torneo ng basketball na lalahukan ng ilang dating professional players ang Rizal Basketball League (RBL) at Antipolo Basketball League (ABL).

Ang palaro ay pangungunahan ni Gilbert “Bhong” Dulfo at sponsors sina dating Governor Casimiro “Ito” Ynares, Mayor Kit Nieto at iba pang alkalde sa lalawigan.

Ayon kay Cayanong, layunin ng basketball event na makatulong sa mga baguhang atleta na makalaro sa court ang mga alamat at idolo nila sa Philippine Basketball Association (PBA).

Para sa karagdagang impormayon, mag-text o tumawag kay Commissioner Gilbert Dulfo sa 0908-4546717.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

One Comment

  1. Pingback: Walang tiwala* - Duterte Daily

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *