Labag sa batas ang plano ng pangulo na magtatag ng isang “revolutionary government” (Ikalawang bahagi)*

MALI at malisyosong ikinumpara ni Duterte ang kanyang plano na magtayo ng revolutionary government, na halatang bigla lamang niyang naisip, sa itinatag na revolutionary government noong 1986 ni dati at yumaong Pangulong Corazon Aquino dahil iyon ay resulta ng pagpapatalsik ng taong bayan sa isang diktadura.

Bukod dito, ang revolutionary government ni Ginang Aquino ay isang transition o pansamantalang paraan mula sa diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos patungo sa tradisyunal na demokratikong pamumuno bago ibinagsak ang batas militar noong 1972.

Sa paggamit ng revolutionary government ni Gng. Aquino bilang salalayan ng balak na revolutionary government ni Duterte, ay malinaw na nililito ng pangulo ang bayan at hindi nito sinasagot kung saan magiging paraan o transition ito.

Hindi niya masasabi na paraan ito mula sa diktadura patungo sa demokratikong pamamalakad ng lipunan, maliban na lamang kung ito ay isang pag-amin ni Duterte na diktadura ang kanyang balangkas sa ngayon. Hindi rin naman niya masasabi na ito ay pagpapatalsik ng mga oligarch sa pamahalaan dahil karamihan sa mga tao na kanyang sinasandigan sa pamumuno ay mula sa paksyon ng mga oligarch na sumuporta naman kay Marcos noon.

Siguro ang gusto talagang sabihin ni Duterte sa atin ay ibig niyang patalsikin ang kanyang sarili para maitayo niya ang isang revolutionary government kung saan ibabasura na ang Saligang Batas ng 1987, kasabay ng paglusaw niya sa kongreso at lalong pagpapahina sa poder hudikatura na kanyang ididikta.

Lumilinaw na kung maitatayo ni Duterte ang kanyang revolutionary government ay isa lamang itong “self coup d’etat” o pagpapatalsik sa sarili para maiwasan ang tumitinding galit ng bayan kaugnay sa mga nagaganap na patayan araw-araw dahil sa kanyang drug war, at ang kabiguan niyang panindigan ang mga mahahalagang reporma sa pamahalaan na kanyang ipinangako noong panahon ng kampanya sa halalan.

Hindi rin kataka-taka na naibulalas niya ang kanyang plano sa isang panayam sa telebisyon matapos ang mga sumusunod:

  • lumabas sa survey na bumagsak ng husto ang kanyang public satisfaction at trust rating,

  • maiulat na bumabagsak ang ekonomiya dahil sa kaunting foreign investments na pumapasok sa bansa dahil na rin sa takot ng mga may ari ng kapital na unstable ang kanyang pamamahala,

  • na tumindi ang pagpuna sa kanyang human rights records ng mga kanluraning bansa at mga pandaigdigang organisasyon na nagbibigay halaga sa karapatan ng tao.

Malinaw pa sa sikat ng Haring Araw na ang Pilipinas na sa ilalim ng kasalukyang administrasyon sa ngayon ay unti-unting nahihiwalay sa atin ang ating mga tradisyunal na kaalyado na may tunay na pagpapahalaga sa karapatan ng tao at respeto sa Pilipino.

(May karugtong sa Miyerkoles)

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Miyerkoles at Biyernes. Makikita rin sa  http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *