Iligal bookies sa Pasay talamak*

TALAMAK at hindi maawat ang iligal na bookies ng karera sa iba’t ibang sulok ng Pasay City.

Sa palagay ng maraming residente ay imposible namang isipin na hindi pa raw nalalaman ng mga awtoridad na ang operator nito ay isang nagngangalang “Christian” na kamag-anak diumano ng isang konsehal sa Pasay.

 

 

 

Ang areas of operation ay sa Maginhawa Street, Tengco St., P. Dandan St., Leveriza St., Sun Valley Subdivision at sa mga lugar sa paligid ng Gil Puyat Avenue at Vito Cruz St., Villaruel St., Alvarez St., M. dela Cruz St., Maricaban area, Inocencio St., Silva St., at Cuenca St.

Kasama niya sa iligal na aktibidad sa mga lugar na ito ang isang “Dennis,”

Kung ang usapan ay madadako sa loteng, EZ2 at “ending” na pinatatakbo ni Christian, ang enkargado niya sa mga ito ay si Roger diyan sa motorpool sa harap ng Pasay City Cockpit sa Cementia St., Tramo St. at palengke. Si Ruben naman ang may hawak sa lugar ng Salud St. sa may F.B. Harrison St.

Sa likod naman ng motorpool makikita si Aling Che na siyang nag-o-operate para kay Christian at isa sa pinagkakatiwalaan niya.

Sina Rosie, Totoy at Ely ang nag-o-operate sa Pildera habang si Steve naman sa Cartimar. Si Ronald ang nakapuwesto sa post office sa Tramo, si Romy sa Facundo St., si Cesar sa area ng Santo Niño-Taft Avenue, si Dennis sa Villamor, si Jing sa Maricaban at si Joan sa Merville Subdivision.

Wala bang mata at tainga sina National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde, Southern Police District (SPD) head Chief Superintendent Tomas Apolinario at Pasay City Police chief Senior Superintendent Diony Bartolome? Ano ang nangyari at patuloy na namamayagpag ang iligal na bookies at sugal sa inyong nasasakupan?

Walang kaalam-alam ang butihing alkalde ng Pasay at naturang mga hepe ng pulis na ipinagmamalaki ni Christian na hindi siya maaaring galawin ng kapulisan kahit pa ng city hall detachment dahil sa regular umano siyang nagbibigay ng malaking “lingguhang parating” sa kanila.

Ngayong wala na sa drug war ang atensyon ng mga pulis dahil napunta na itong lahat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), puwede na nilang pag-ukulan ng pansin at hulihin itong si Christian at ang kanyang mga alipores sa iligal nilang gawain.

Kung hindi ay patuloy na madudurog ang pangalan ng alkalde at ng mga opisyal ng pulis dahil gagamitin at isasabit sila ni Christian upang makalusot ang operasyon niya sa iligal na sugal.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *