Nagpapalusot na*

TILA nagpapalusot na ang administrasyong Duterte sa harap ng United Nations at pandaigdigang grupong Human Rights Watch sa pagsasabing ayon sa depinisyon ng Extrajudicial Killing na ipinalabas ng nagdaang administrasyong Aquino ay walang EJK na nagaganap sa Pilipinas.

Dangan kasi ayon sa limitadong pakahulugan ng Administrative Order 35 na pinirmahan ni dating justice department secretary at ngayo’y senadora na si Leila De Lima, masasabi lamang na may EJK kung ito ay ginawa ng “state and non-state forces” to silence, “through violence and intimidation, legitimate dissent and opposition raised by members of the civil society, cause-oriented groups, political movements, people’s and non-governmental organizations, and by ordinary citizens.

Dahil sa depinisyon na ito ay pinandigan kamakailan ng Philippine National Police na walang nagaganap na EJK sa ating bayan kahit sinasabi na ng mga Human Rights Defenders na umaabot na sa halos mahigit na 13,000 ang mga naging biktima ng digmaan laban sa droga ng administrasyong Duterte.

Sinabi naman ni De Lima mula sa kanyang piitan na ginugulo ng kasalukuyang administrasyon ang depinisyon ng EJK para palabasin na hindi totoo ang malaganap na patayan. Ipinaliwanag niya na ang AO ay ipinalabas para partikular na tugunan ang mga suliranin kaugnay sa pagpatay sa mga aktibista at mga reporters lalo na noong panahon ng administrasyong Arroyo.

Ang AO ay hindi umano para mailigtas sa panangutan ang mga opisyales ng pamahalaan na sangkot sa “state sanctioned murder.”

Hindi na karapat-dapat pang makipag-debate umano sa administrasyon at hayaan na lamang sila na mag maang-maangan dahil hindi sa lahat ng panahon ay puwede silang magkunwari, dagdag pa ni De Lima.

Ayon naman sa HRW, hindi puwedeng lumusot ang administrasyong Duterte sa pananagutan sa pamamagitan ng paggamit ng makitid na depinisyon ng EJK ng AO ni De Lima.

Sinabi ni Human Rights Watch (HRW) Advocacy Director John Fisher bilang bahagi ng pandaigdigang komunidad at matapos pumirma sa mga kasunduan kaugnay sa pagtatanggol sa karapatang pantao, dapat kilalanin ng Pilipinas ang pandaigdigang depinisyon ng EJK na: “extrajudicial killing refers to the killing of a person by government authorities without sanction of judicial proceeding or legal process.”

Kalokohan diumano ang ginagawang pagbabago ng Duterte administration sa mga depinisyon ng EJK.

The fact is that there have been thousands of reported deaths in the Philippines in the context of the so-called war on drugs. The government cannot just define these bodies out of existence through the application of some legal term,” diin ni Fisher.

Ano palagay ninyo mga kababayan?

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Miyerkoles at Biyernes. Makikita rin sa  http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *