Hulidap?*

MAY panibagong anggulo sa pamamaslang sa 19-anyos na si Carl Arnaiz na ibinunyag ang Public Attorneys’ Office (PAO) na pinamumunuan ni Persida Acosta.

Posible umanong insidente ito ng hulidap kung saan sinusubukang kotongan ng mga tiwaling pulis ang kanilang inaresto upang hindi ito kasuhan.

 

 

 

Umalis si Carl sa kanilang bahay sa Cainta, Rizal noong Agosto 17 at nawala nang 10 araw. Natagpuan ang kanyang bangkay sa isang morge sa Caloocan.

Maaalalang nagpahayag ang kapulisan na napatay si Arnaiz matapos itong magtangkang holdapin ang taxi driver na si Tomas Bagcal sa C-3 Road sa Caloocan noong Agosto 18.

Pero batay sa pahayag ni Bagcal ay pinara ni Arnaiz na kasama ang 14-anyos na si Reynaldo “Kulot” de Guzman ang kanyang taxi sa Pasig City at nagpahatid sa Caloocan. Tinangka raw siyang holdapin ni Arnaiz pero dinala raw niya ang dalawa sa mga pulis sa tulong ng mga barangay tanod.

Ayon sa dalawang tumestigo sa Senado ay nakita nila si Arnaiz na binaril ng mga pulis-Caloocan habang nakaluhod.

Sa naunang imbestigasyon na isinagawa ng PAO ay lumabas na pinosasan at tinortyur ang biktima bago ito binaril nang limang ulit nang walang kalaban-laban.

Nagsampa na ang PAO ng kasong double murder laban sa mga pulis na sangkot sa pagkasawi ni Arnaiz at inakusahan silang nagtanim ng ebidensya.

Ibinunyag ni Acosta na pinadalhan daw ni Eva Arnaiz ang kanyang anak na si Carl ng halagang P17,000 isang araw bago ito maglaho.

Kung nagpadala si Eva ng P17,000 sa kanyang anak ay walang nakikitang dahilan para mangholdap ito ng taxi driver. At ang malaking palaisipan pa ay kung saan napunta ang pera kung dala nga ito ni Carl, dahil nakita man ang katawan ng biktima ay patuloy naman na nawala ang naturang pera.

Kinuwestyon ng PAO chief kung bakit wala nang lamang pera ang backpack ng biktima. Pati raw iyong Lenovo cell phone na ipinadala ng ina ay nawala at napalitan ng mumurahing analog.

Sumasang-ayon ang Firing Line sa pahayag ni Acosta na noon pa man ay nagaganap na ang mga kaso ng hulidap sa mga tao na may pera.

Kung totoong nahulidap si Arnaiz, marahil ay ito na ang tamang panahon para mabago ang baluktot na sistemang ito at mapanagot ang mga salarin na nagtatago sa likod ng kanilang tsapa sa paggawa ng katiwalian. Kahihiyan sila sa kapulisan!

Paano maibabalik ang tiwala ng mga mamamayan sa pulis kung may mga gumagawa ng kalokohan na tulad ng hulidap at sumisira sa image ng kanilang kabaro?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *