Ingrato?*

ISANG bintana sa niloloob ang ginawang panunumbat ni Philippine National Police Director General Ronald dela Rosa na ingrato raw mga kritiko ng war on illegal drugs dahil nakikinabang din naman daw ang mga ito sa ibinubungang “peace and order” ng kampanya ng pulisya laban sa droga.

Una, lumalabas na ibig pala ng hepe ng pambansang pulisya na tumanaw ng utang na loob ang taong bayan sa kanilang madugong pagtupad sa tungkuling pinili at sinumpaan. Nakalimutan niya na hindi sila pinilit ng bayan na maging pulis, na sila ay boluntaryong naging lingkod ng bayan, na ang kanilang tunay na salalayan ng kapangyarihan ay ang soberenya ng bayan, bayan na kanya ngayong sinusumbatang ingrato.

Pangalawa, ano ang sinasabi niyang “peace and order” gayong halos araw-araw, umaga o gabi, ay may bumubulagta sa daan – bata, matanda, babae o may kapansanan – dahil sa mga Patay Ng Patay na nakamotorsiklo? Anong peace and order ang sinasabi niya kung lagi ng nangangamba ang mga magulang na baka humandusay sa daan ang kanilang mga anak o mahal sa buhay?

Sa huling bilang ng mga Human Rights Defenders, simula ng pumasok ang administrasyong Duterte na nagupo sa kasalukuyang pamunuan ng PNP sa poder, ay umaabot na sa mahigit sa 13,000 ang namamatay dahil sa inilunsad nitong “digmaan” laban sa bawal na gamot at lahat halos ng biktima nito ay mahihirap na mamamayan.

Hindi kaya ang ibig sabihin ng “peace and order” para sa pinuno ng PNP ay ang katahimikang hatid ng mga pinatay?

Hindi katahimikan kundi kapayapaan ang hangad ng bayan dahil lagpas sa hinihingi ng katahimikan ang kapayapaan. Hindi komo’t tahimik ay mapayapa. Malinaw sa mga nagaganap na patayan araw-araw na ang PNP ay naging tagapagpatahimik na lamang at hindi nito nagagampanan na maging tunay na tagapamayapa ng bayan.

Kung tutuusin ang hepe ng pambansang pulisya at lahat ng mga pinuno ng pamahalaan, ang dapat magpasalamat sa taong bayan dahil sa pamamagitan ng kanilang soberenya ay nabigyan sila ng pagkakataon na maging lingkod, isang dakila at marangal na gawain. Huwag nilang isisi sa taong bayan ang kawalan ng kakayahan at kakulangan sa husay ng PNP.

Uulitin ko sa wikang Ingles dahil baka dito ay maintindihan ninyo ang ibig sabihin ng Usaping Bayan: “What the people need in their lives is the peace of the living not the silence of the more than 13,000 dead.”

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Miyerkoles at Biyernes. Makikita rin sa  http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *