Itanghal ang batas at maging tunay na pinunong bayan

MAINIT ang pagtatalo ng mga miron kung tama ba o mali na hindi pansinin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang gagawing imbestigasyon ng Tanggapan ng Ombudsman kaugnay sa diumano ay kahina-hinalang ugat ng yaman ng kanyang pamilya.

May nagsasabi na dahil “bias” ang magiging imbestigasyon ng Ombudsman ay marapat lamang na hindi ito pansinin ni Duterte. Tama lang daw, anya nila, na huwag niyang bigyang kredibilidad ang panggigipit ng nasabing tanggapan sa kanya at kanyang pamilya.

Gayun man, may nagsasabi na sa kabilang banda, bilang pangulo ng bansa ay dapat itong maging ehemplo sa lahat ng mga taga-pamahalaan kung paano maging “statesman” sa pamamagitan ng pakikiisa sa gagawing imbestigasyon ng Ombudsman.

Dapat din na maging malinaw na hindi komo nakikiisa ang isang iimbestigahan ay kaagad siyang malalagay sa alanganin dahil sa tinatawag na self incrimination na maaring gamitin laban sa kanya sa hukuman. May mga abogado para dyan at hindi rin kaila sa atin na si Duterte ay abogado kaya hindi problema ang self incrimination.

Idinagdag pa ng isang miron, na kung sakaling may palagay ang Pangulo na gagawin lamang ng nasabing tanggapan ang imbestigasyon para gipitin o harasin siya o kanyang pamilya, ay may mga hakbang na legal para matugunan ito, subalit hindi kasama sa mga kilos na ito ang banta niyang hindi pakikiisa sa Ombudsman.

Sangayon ang Usaping Bayan sa sinabi ng huling miron. Bilang pinuno ng Pilipinas, sumumpa ang pangulo sa harap ng Dios at Bayan na kanyang susundin, itatanghal at ipagtatanggol ang batas. Dahil dito ay dapat lamang niyang panindigan ang kanyang sinumpaang tungkulin na kinabibilangan nang pagtatanghal, hindi pagbalewala, sa Ombudsman.

Napakabigat ng kanyang tungkulin kung papaano aakto ng tama sa pamumuno dahil ginagamit itong pamantayan ng lahat nang naglilingkod lalo na sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.

Isipin na lamang ang gulong mangyayari kung lahat ng empleyado ng pamahalaan ay hindi papansinin ang atas ng ibang tanggapan, lalo na ng hukuman o yung tinatawag na quasi-judicial bodies gaya ng Ombudsman. Magkakaroon ng tinatawag na constitutional crisis na ang tanging makikinabang lamang ay yung mga grupo na ayaw sa kasalukuyang demokrasya at kalayaan na tinatamasa ng sambayanan.

Bilang pang-wakas ay hayaan ninyo ang Usaping Bayan na ibahagi sa inyo ang paglalagom sa punto ng ikalawang miron gamit ang wikang Inggles:

The President is sworn to uphold and protect the law thus, if he refuses to cooperate with the Office of the Ombudsman’s probe of his and his family’s alleged questionable wealth, he is violating the oath he took before God and country, and committing an actionable offense, aside from the fact that he is setting a bad example for others.

Even the mere threat to withhold cooperation is already conduct unbecoming of the president and violation of his oath.

If President Duterte feels aggrieved by the actions of the Ombudsman, there are lawful means to address it but, as the highest public official of the land, refusal to cooperate is not one of them. That is simply an obstinate behavior that has no place in the running of the affairs of the State.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Miyerkoles at Biyernes. Makikita rin sa  http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

One Comment

  1. Pingback: Itanghal ang batas at maging tunay na pinunong bayan - Duterte Daily

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *