Libelo*

KAMAKAILAN ay sinampahan ng kasong libelo ni Senador Antonio Trillanes ang isang dating artista na ngayo’y nasa poder na matapos daw nitong ikalat ang balita na na may mga itinatago umano siyang lihim na bank account sa ibang bansa na naglalaman ng milyon-milyong piso.

Hindi na pagtutuunan ng Usaping Bayan ang detalye ng kaso pero susubukin ng pitak na ito na ipaliwanag sa nasabing dating aktres, na kaya nakaupo sa puwesto ay dahil sa sobrang pagsuporta niya kay Pangulong Rodrigo Duterte, kung ano ang libelo at baka sakaling makatulong ito sa kanya.

Ang libelo ay isa sa mga krimen na pinaparusahan sa ating bansa ng pagkakabilanggo at multa ayon sa Artikulo 353 hanggang 362 ng Ikalawang Aklat ng ating Revised Penal Code (RPC). Ang probisyon na ito ay pinagtibay bilang batas noong ika-8 ng Disyembre, 1930. Dapat din na malaman na ang RPC ay hinalaw mula sa matandang Codigo Penal ng Espanya.

Ayon sa RPC ang libelo: “ay isang malisyosong pagbibintang ng krimen o bisyo o kakulangan sa katauhan, totoo man o hindi, o kahit na anong kilos o hindi pagkilos, katangian o sirkumstansya na nauuwi sa kawalan ng pagtitiwala o kasiraang puri o pagkakalait ng isang likas o kinathang katauhan ng batas, o pagkakayurak sa alaala ng isang yumao.”

May apat na elemento ang krimeng ito na kung wala ang isa ay hindi maituturing na nagkaroon ng krimeng libelo. Ang mga ito ay ang sumusunod:

  • Pagbibintang (allegation)

  • Paglalathala (publication)

  • Pagkaka-kilanlan (identification)

  • Malisya (malice).

Kaugnay nito, sa pamamagitan ng Kapitolo 4 (c)(4) ng Republic Act 10175 (Anti-Cybercrime Prevention Act of 2012) ang saklaw ng krimeng libelo ay pinalawak sa mga artikulo na nakaposte sa internet, lalo na sa social media. Dati-rati ang mga tradisyunal na limbag lamang tulad ng pahayagan, libro, pampleto o ibang katulad nito; ang sakop ng libelo.

Dapat din na mapansin na tanging sa krimeng libelo lamang napalalagay na kaagad may sala ang isang akusado. Ito ay salungat sa pangkalahatang prinsipyo ng ating paniniwala na ang isang akusado ay inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala.

Ang Artikulo 354 ng RPC ang patunay sa pagiging mapanupil at kontra pamamahayag ng batas na ito. Ito ang paboritong batas ng mga nasa poder at mga makakapangyarihan na gustong patahimikin ang kanilang mga kritiko, lalo na yung mga bantay ng bayan tulad ng mga mamamahayag. Hindi kataka-taka na kung susuriin ay parang isiningit lamang ang Chap 4 (c)(4) sa RA. 10175.

Kakatwang sa kabila ng pahayag ng United Nations Human Rights Committee na kinokondena ang libelo bilang krimen ay pinalawak naman ng mga makapangyarihan sa ating bayan ang saklaw ng libelo.

Ayon sa UNHRC ang krimeng libelo ay laban sa karapatang sibil at politikal ng isang indibidwal.

Hindi tutol ang Usaping Bayan sa RA. 10175, maliban sa Chap. 4 (c)(4) ng batas na ito. Tama na maging responsible ang gumagamit ng internet. Subalit hindi tama na lalong supilin ang malayang pamamahayag.

Sa ngayon ay dapat lalong pag-ibayuhin ang kilos upang madekriminalisa ang libelo at mabigyang buhay Freedom of Information Act na pinirmahan ni Pangulong Duterte.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Miyerkoles at Biyernes. Makikita rin sa  http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *