Opinions

Biktima*

NADAGDAGAN muli ang talaan ng mga kabataang nasasawi bunga ng karahasan matapos matagpuan ang bangkay ng 14-anyos na binatilyo na si Reynaldo de Guzman alyas “Kulot” sa isang punerarya sa Gapan, Nueva Ecija noong isang linggo.

Nakita raw ang katawan ni De Guzman sa isang creek ng mga residente ng lugar. Nagtamo raw ito ng 30 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at binalutan pa ng packing tape sa mukha. Ganito ang karaniwang nakikita sa mga biktima ng “extra-judicial killings”.

 

Si De Guzman ang kasama ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz, ang dating estudyante ng University of the Philippines (UP) Diliman, nang mawala sila noong Agosto 17 matapos umalis sa kanilang tahanan sa Cainta, Rizal na ang paalam ay bibili lang ng mapapapak.

Si Arnaiz, anak ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East, ay napatay ng Caloocan City Police matapos silang rumesponde sa isang panghoholdap sa taxi noong Agosto 18. Nanlaban at nakipagbarilan daw kasi ito sa mga dumating na pulis kaya nasawi.

Pero hindi ba gasgas na gasgas na ang katwirang ito ng mga pulis kapag may napapatay sila kaya marami ang hindi na naniniwala?

Lumabas sa isinagawang pagsusuri ng Public Attoney’s Office (PAO) na may palatandaang si Arnaiz ay na-torture at may posibilidad umanong binaril habang nakaposas.

Nasibak sa puwesto ang dalawang pulis na itinurong nasa likod ng pagkamatay ni Carl. Natagpuan ang kanyang bangkay sa isang punerarya sa Caloocan 10 araw matapos itong maiulat na nawawala.

Naniniwala ang pamilya Arnaiz na imposible mangholdap si Carl dahil mabait itong bata. Valedictorian daw siya nang magtapos sa elementarya at gradweyt sa Makati Science High School bago mag-aral sa UP.

Lumutang na ang taxi driver na si Tomas Bagcal at kinumpirma na hinoldap siya ni Arnaiz. Pero “scripted” daw ang pahayag ng pulis na nagkaroon ng barilan. Matapos i-turn over si Arnaiz sa mga pulis ay panandalian daw itong nakulong.

Nang ilabas umano si Arnaiz ng mga pulis ay pinasunod si Bagcal sa C3 Road. Doon ay pinalakad daw si Carl bago nakarinig ang driver ng mga putok ng baril. Nagkubli raw si Bagcal sa likod ng poste at nakitang bumagsak si Arnaiz.

Ano ang nangyayari sa ating mga alagad ng batas? Sakali mang sangkot sa holdap o droga ang suspek ay hindi naman sila kailangang paslangin nang walang kalaban-laban.

Palaisipan din kung paano umabot sa Gapan ang bangkay ng kasama ni Arnaiz nang ito ay mawala? May mga naghihinalang konektado ang sinapit nina Arnaiz at De Guzman.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.