Opinions

Si Harvey at ang Pinoy*

NAKARAAN na ang daluyong na si Harvey sa Texas, USA at nagsimula na ang pagbangon ng Houston, isa sa mga lungsod sa sobrang nasalanta ng bagyo, at dito ay nasaksihan ng Usaping Bayan ang maganda at masamang kaugalian nating mga Pilipino.

Sa kabutihang palad ay walang naiulat na Pilipino o di kaya’y Filipino-American na nasawi dahil kay Harvey bagamat marami sa ating kalahi ang masyadong naapektuhan ng bagyo dahil sa paglubog ng maraming lugar sa Houston at mga karatig pook lalo na yung mga lugar na malapit sa Gulpo ng Mexico.

Sa pagkakataon na ito ang lumabas ng hindi inaasahan ang bayanihan sa ating mga kababayan. Sa maniwala kayo o hindi ay mabibilang sa daliri ang bilang ng mga Pilipino at Filipino-American sa mga evacuation centers. Ito ang napag-alaman ng Usaping Bayan sa pamamagitan ng Beyond Deadlines at Pinoy Houston TV, ang kaisa-isang himpilan ng telebisyon na Pilipino sa Houston; matapos silang gumawa ng madaliang survey sa ilang malalaking evacuation centers sa Texas.

Ayon sa mga nakausap ng Beyond Deadlines at Pinoy Houston TV ay agad na umaalis sa mga evacuation centers ang mga Pilipino dahil sila ay inaampon ng mga kamag-anak o kaibigan na hindi masyadong nasalanta ng bagyo.

Kalugod-lugod din na agad kumilos ang iba’t ibang Pilipinong organisasyong sibiko dito sa Texas at binuo ang Harvey Pinoy Squad upang makatulong agad sa mga nasalanta ng bagyo, na sinasabing pinakamabagsik na unos sa tala ng kasaysayan ng Texas, kundi man ng buong USA.

Sa unang pulong ng grupo ay nakalikom agad ito ng US$15,000 para maipamudmod sa mga nangangailangan nating kababayan. Inaaasahan na marami pang tulong at donasyong salapi ang malilikom.

Gayon man, kung ano ang bilis sa pagbibigay ng ayuda ng mga lokal na Pilipino at Filipino Americans dito sa Houston, at ng pamahalaang federal, state at local ng US sa mga nabiktima ni Harvey; ay siyang bagal naman ng Philippine Consulate sa Los Angeles na magbigay kahit pahayag ng suporta lamang. Kesyo may statement na raw si Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ng pakikiisa unang araw pa lamang ng pagdating ni Harvey.

Haaay naku, hindi maintindihan ng Usaping Bayan kung bakit hindi makapag-bigay agad ng statement of support ang konsulado sa LA. Parang napakabigat na gawain para sa kanila ang magpahayag ng pagkalinga sa kapwa Pilipino at Filipino-Americans. Kung hindi pa nagsalita sa istasyon ng TV sa atin ang isang taga-Houston at pinuna ang kawalan ng agarang aksyon ng consulate ay hindi pa ito mapipilit na mag-issue ng statement of encouragement and support.

Hindi rin natanawan o narinig ng mga Pilipino at Filipino-Americans yung Philippine honorary consul dito sa Texas sa kasagsagan ni Harvey. Haayyyyy buhay nga naman…

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Miyerkoles at Biyernes. Makikita rin sa http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.