Opinions

Nabunutan ng tinik*

TOTOONG hindi matatawaran ang mga accomplishment ni Chief Inspector Jovie Espenido bilang opisyal ng pulis, lalo na kaugnay ng digmaan laban sa droga.

Pero hindi lahat ng naisin ay ating makukuha. Maaalalang si President Duterte pa mismo ang nagpahayag na maililipat si Espenido sa Iloilo City noong Agosto 28.

 

 

 

Pero nagpahayag si Police Regional Office (PRO) 6 Director Cesar Binag na si Senior Superintendent Henry Binas na ang mamumuno sa Iloilo City police simula Septiyembre 1.

Kailangan kasing maging senior superintendent si Espenido para mapamunuan ang malaking lungsod na tulad ng Iloilo. Sa kasalukuyang ranggong chief inspector ay mangangailangan pa siya ng dalawang promosyon para maging karapat-dapat sa puwesto.

Mabuti at ibinatay nila ang desisyon sa mga umiiral na patakaran at hindi dahil sa iniutos lamang ito ng Pangulo.

Marami sa mga nakatutok at nagmamasid sa mga nasasawi bunga ng kampanya ng administrasyon laban sa droga ay parang nabunutan ng tinik nang makansela ang appointment ni Espenido.

Maaalalang tinukoy mismo ni Duterte ang dalawang alkalde na kapwa nasa drug list niya na napaslang sa mga raid ng pulis noong si Espenido ang nakaupo bilang hepe sa kanilang lugar.

Si Espenido ang hepe sa Albuera, Leyte nang mapatay si Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. sa police raid sa kanyang selda. Siya rin ang hepe ng Ozamiz City nang mapaslang si Mayor Reynaldo Parojinog sa isang madugong operasyon ng mga pulis.

Kaya nga inisip ni Duterte kung makaliligtas daw kaya si Iloilo City Mayor Jed Mabilog sakaling si Espenido ang hepe ng kanyang pulis. Si Mabilog ay kasama rin sa talaan ng droga ng Pangulo pero itinanggi ito ng alkalde.

Biro man o hindi ang pahayag ng Pangulo, para sa maraming nag-aalala sa sunud-sunod na pamamaslang sa mga suspek sa droga ay hindi ito katawa-tawa.

Dahil nga sa walang habas na mga pamamaslang ay nasawi ang 17-anyos na grade 11 student na si Kian delos Santos na iginigiit ng mga pulis na nanlaban samantalang iba ang lumabas sa isinagawang awtopsiya.

Ang laging ikinakatwiran ng mga pulis kapag may mga napapatay sila sa drug operation ay nanlaban ang suspek. Hindi naman itinatanggi ng Firing Line na may mga lehitimong operasyon kung saan lumaban talaga ang suspek.

Pero kapag sunud-sunod na ang balita na pawang nanlaban ang hinuhuli ay nagkakaroon na ng pagdududa sa isipan ng nakararami. At ang tanong pa nila ay ilan na raw kaya ang mga “Kian delos Santos” na pinalabas na lumaban kahit na binaril nang wala umanong laban?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.