Opinions

Nakaaalarma*

MAGING ang Senado ay naaalarma na sa lumalaking bilang ng mga nasasawi sa mga isinasagawang operasyon ng kapulisan laban sa iligal na droga.

Ang lalong nagpainit sa paksang ito ay ang naganap na pagpatay ng mga pulis kamakailan sa 17-anyos na si Kian delos Santos dahil nanlaban umano ito sa pag-aresto.

 

 

 

Nagliliyab sa galit ang maraming senador at pati ang mga kaalyado ng Pangulo ay nagpakawala ng maaanghang na salita laban sa mga pulis dahil hindi nila maiwasang barilin ang mga pinaghihinalaang kriminal.

Magtitipun-tipon ang mga senador upang desisyunan ang mga panawagan na magsagawa sila ng pagsisiyasat sa sunud-sunod na operasyon ng Philippine National Police (PNP) na nagresulta sa kasawian ng marami.

May mga pumupuna na parang nagpapaligsahan umano ang mga pulis sa paramihan ng mapapaslang.

Sang-ayon ang Firing Line na nararapat paigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga pero kailangan isagawa ito nang naaayon sa batas. May mga patakaran na itinakda ang kapulisan sa ganitong mga operasyon na dapat sundin.

Hindi ko naman inaalis ang posibilidad na may mga lehitimong operasyon ang mga pulis kung saan totoong lumalaban ang mga hinuhuli kaya nauuwi sa putukan ang operasyon.

Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel III ay hindi na nila kailangan pang hintayin ang magiging resulta ng pagsisiyasat ng Internal Affairs Service (IAS) ng PNP dahil puwede naman nilang simulan ang sariling imbestigasyon sa naturang isyu.

Kapag naaprubahan ang naturang pagsisiyasat ng Senado ay isasagawa ito ng committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senador Panfilo Lacson, na isang dating hepe ng PNP.

Magiging detalyado ang imbestigasyon. Sisilipin kung paano ba ipinatutupad ng kapulisan ang “Oplan Double Barrel Reloaded”. Ano ba ang batayan bago sila gumamit ng dahas?

Pati ang mga case folder ng bawat biktima, mapabata man o matanda, ay kanilang sisilipin upang malaman ang mga detalye. Mahirap nga naman tanggapin ang pare-parehong kuwento na pawang nagtatapos sa nanlaban ang mga biktima.

Pero kung sakaling makapagsagawa ng masinsinang pagsisiyasat ang Senado sa naturang isyu, may mga nangangamba sa kahihinatnan nito.

Hindi maitatanggi na maaaring lumakas ang loob ng mga tiwaling pulis at umabuso sa kanilang kapangyarihan dahil na rin sa buong suporta na ibinibigay sa kanila ni President Duterte.

Baka raw sa halip na mapanagot ang mga pulis na tunay na nagkasala, ang ipinangangamba ng iba ay ang posibilidad na ma-promote pa sila at mapaganda ang mga puwesto.

Kanino pa raw babaling ang kaanak ng mga biktima sa paghahanap nila ng hustisya kapag nangyari ito?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.