Opinions

Masakit na biro*

ANG edukasyon ay napakahalaga sa ating mga Pilipino kaya hindi kataka-taka na ginagawa ang lahat ng mga pamilya, lalo na yung mga mahihirap na sukdulang isanla pa si Kalakian, para matus-tusan lamang ang pag-aaral ng kanilang mga anak, lalo na yung mga papakolehiyo.

Pero ang kaugaliang ito ay halatang hindi binigyang pansin ng mga mayayaman nating congressman at ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil kung inambunan nila ito ng panahon ay hindi sana naging batas ang Republic Act 10931 (Universal Access to Quality Tertiary Education Act) na mas kilala ng taong bayan sa katawagan na Free Tuition Law.

Bakit ‘ika ninyo? Eh kasi wala palang budget para tustusan ang nasabing batas. Tinatayang aabutin ng P100 bilyon piso taon-taon ang kakailanganin para maipatupad ang Free Tuition Law sa 112 state universities and colleges pero P18 bilyon lamang ang alokasyon ng kongreso para dito.

Saan hahanapin ng administrasyong Duterte yung P82 bilyong piso para maipatupad ang Free Tuition Law?

Nang tanungin si Pangulong Duterte kung saan kukunin ang budget para hindi maging drawing lamang ang batas, ang tanging naisagot niya habang pangiti-ngiti ay “Yan nga ang problema ngayon. Gusto kong tanungin sa inyo. Mag-konsulta pa ako. Ewan ko.”

“Tignan natin kung saan. Kasi ‘yung pag-approve ng Congress… Alam man nila walang pera,” idinagdag pa niya.

Patay tayo niyan mga kababayan.

Dahil lamang sa kagustuhang umani ng pogi points mula sa taong bayan ay ipinasa ang Free Tuition Law ng kongreso at pinirmahan naman ito ni Duterte para maging ganap na batas, kahit wala palang pera para dito. Rurok na yata ito ng pagiging irresponsable ng ating mga sinasabing pinunong bayan.

Inuulit sa panggagalaiti ng Usaping Bayan na wala palang budget pero ipinasa pa rin ang Free Tuition Law para maging batas. Ang tanging kagandahan ng pangyayaring ito, kung masasabi ngang kagandahan, ay kung sakaling may pera na sa hinaharap para sa libreng tuition ng bayan ay may kaukulang batas nang nakahanda.

Sana nga ay totoo ang sinabi ng Commission on Higher Education o CHED na over estimation lang daw ang P100 bilyon at tanging P16 bilyon lamang ang talagang kailangan para maipatupad ang RA 10931. Hindi alam ng Usaping Bayan kung saan kinuha ng CHED ang maliit na halagang sinasabi nito kumpara sa tantya ng mga eksperto pero sana ay magdilang anghel ang nasabing ahensya.

Masakit isipin na baka paasahin lamang ng RA 10931 ang mga nangangailangan ng ganitong tulong. Masakit na biro ito at sayang kung mapasasama lamang ang batas na ito sa hanay ng mga magagandang batas na hindi naipatutupad ng pamahalaan.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Miyerkoles at Biyernes. Makikita rin sa http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.