Opinions

Balewalang karangyaan*

ANG pagkakaroon ng sobra-sobrang yaman ng ilang “pinagpalang” nilalang ay madalas hinahangaan at kinaiinggitan din ng maraming tao, lalo na ng mga naghihikahos sa buhay.

Hindi nga naman makatatakas sa pagpuna ng ilang maralita ang malapalasyong kabahayan sa malalawak na lupain, naggagandahang sasakyan, nagkikislapang alahas, mamahaling gamit at kasuotan ng tinaguriang “may kaya” sa buhay habang sila ay “isang kahig, isang tuka” sa makakain araw-araw.

 

Pero ang lahat ng yaman na ito ay mananatili rito sa mundo dahil hindi maibabaon sa sinasabing “kabilang buhay” kapag pumanaw ang isang tao.

At kung manatili mang buhay ang mga “ubod nang yaman” na ito, sakaling nasangkot sila sa iligal na aktibidad at nahuli ay tiyak na hindi rin nila mapakikinabangan ang kanilang mga mamahaling gamit sa loob ng piitan.

Halimbawa na rito ang sinapit ni Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog at ng kanyang pamilya. May mga nagsasabing ang alkalde na ito ay labis-labis ang pera at kayamanan.

Pero ang lahat ng kanyang karangyaan ay nabalewala nang siya at ang kanyang asawa, ilang kaanak at tauhan ay masawi nang lumaban umano sa puwersa ng kapulisan na sumalakay sa kanyang tahanan noong nakaraang Linggo.

Ang mga anak ni Parojinog na sina Ozamiz City Vice Mayor Nova at Reynaldo Jr. at ang ilan sa kanilang mga tauhan ay nakaligtas pero nakakulong na ngayon.

Nakasamsam umano ang mga awtoridad ng matataas na kalibre ng baril, bala at pati na ipinagbabawal na shabu sa lugar ng mga Parojinog.

At habang nagdurusa ngayon sa loob ng piitan ang mga anak ng yumaong alkalde ay naglabasan sa social media ang larawan ng mamahaling mga gamit na pag-aari raw ni Nova.

Kabilang na rito ang mga bag at sapatos na sinasabi umanong “katas ng illegal drugs” na hindi magagamit sa loob ng Bilibid sa kabila ng marangya niyang pamumuhay. Hindi biro ang presyo ng naturang mga gamit na nagkakahalaga raw ng P100,000 hanggang P2 milyon o higit pa.

Maituturing na mas mahal pa ang isang pares ng sapatos o bag na ito kaysa sa ilang sasakyan. Gayunman ay nagawa nilang bilhin dahil karapatan nilang gawin ang anumang gustuhin sa kanilang pera.

Hindi ko sinasabing may kaugnayan sina Parojinog sa kriminalidad dahil batas ang makapagpapatunay nito. Pero ang lahat ay may hangganan lalo na kung totoong sangkot ang tao sa iligal na gawain.

Maaaring ngayon ay nabubuhay siya sa damdamin na nasa tuktok ng mundo pero bukas-makalawa ay posibleng lumagapak sa panahon na siya ay mahuli at kailangan nang magbayad sa batas.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 *Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.