Opinions

Altar ng Karahasan*

MARAMING responsableng mamamayan ng ating Republika ang ngayon ay puno ng pangamba para sa mga kabataan sa kasalukuyan dahil kitang-kita nila kung paano tumatanim sa kanilang mga murang kaisipan ang kultura ng kamatayan at galit na mapangwasak sa mga institusyon bilang unang tugon sa mga usapin at suliraning panlipunan.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay ulat sa mga telebisyon, pahayagan, radyo at internet ang mga kuwento tungkol sa mga walang awang pinatay ng mga pulis o naka-riding in tandem na mga pinaghihinalaang tulak o adik sa bawal na gamot.

Wala nang pinipiling mga lugar o oras ang mga patayan. Hindi na ligtas ang mga payak na tahanan, madilim na pasilyo, ang matrapik na lansangan, maputik na sementeryo, bilangguan at ultimo sagradong simbahan.

Pilit na itinitindig ng mga ahente ng kamatayan ng kasalukuyang estado ang kanilang Altar ng Karahasan sa maling paniniwala na iyon ang tugon sa problema ng bayan, lalo na sa paglaganap ng bawal na gamot. Karahasan ang makitid na tugon ng kasalukuyang estado o mga ahente nito laban sa isa sa malalim na sintomas ng kahirapan, ang pagtutulak at pagkalulong sa bawal na gamot.

Nakatitiyak ang Usaping Bayan na ang ganitong patakaran ay hindi maghahatid sa ating lipunan ng katahimikang nakabatay sa katarungan bagkus ay mabibiktima lamang nito ang mga maliliit na mamamayan o iyong mga walang padron na masisilungan. Ang tunay na hatid nito ay katahimikang mala-sementeryo, katahimikan ng mga patay at hindi ng mga buhay.

Hindi na naiisip ng mga pumapalakpak bilang suporta sa gawain ng mga ahente ng kamatayan na bawat insidente ng karahasan ay lumilikha ng bitak sa marupok na haligi ng lipunan na kasalukuyang nagbibigkis sa ating lahi.

Hindi naiisip ng mga taong ito na ang bawat aksyon ay may katapat na reaksyon, isang aral na maagang natutunan ng mga bansa mula sa Latin Amerika na nauna nang nagtangka na magtayo ng Altar ng Karahasan.

Hindi malayo na darating ang araw para sa mga kabataan ngayon na lahat ng kanilang usapin at hindi pagkakaintindihan ay tatapatan na lamang nila ng kaukulang ng karahasan dahil ito ang kanilang nakamulatan sa ngayon. Sa panahon na iyon ay maaring wala ng halaga ang “rule of law” at ang batas na lamang ng mga mararahas na  “might makes right” ang umiiral.

Nakapangingilabot ang ganitong hinaharap para sa kanila.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Miyerkoles at Biyernes. Makikita rin sa http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

One Reply to “Altar ng Karahasan*

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.