Opinions

SOMA*

KAMAKAILAN ay inihatid sa bayan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ikalawang State of the Nation Address o SONA subalit imbes na iulat sa taong bayan ang kanyang mga nagawa sa loob ng isang taong pamamalagi sa poder at isalaysay ang balakin o plano niya para sa bayan sa hinaharap ay mas piniling ilabas ng Pangulo ang kanyang saloobin kaya may palagay ang Usaping Bayan na mas dapat na tinawag na State of the Mind Address o SOMA ang naganap.

Katulad ng nakagawian na niya ay walang kahihiyang nagmura si Duterte habang sinasabi ang kanyang mga saloobin laban sa media, mga kalaban sa pulitika, mga rebelde at dayuhan na hindi sang-ayon sa kanyang madugong patakaran laban sa bawal na gamot. Pabalik-balik na parang sirang plaka na tinalakay ang kanyang paboritong usapin, ang laban sa bawal na gamot.

Hindi pa nakuntento sa walang laman na talumpati at pagmumura, sinalaula pa niya ang Tanggapan ng Pangulo ng sabihan niya ang mga rebeldeng komunista na “maglulo” o magsalsal (na lamang). Aba, tiyak na matatampal tayo sa bibig ng ating mga nuno kung maririnig nila sa atin ang ganitong uri ng pananalita.

Wala sanang masama sa nangyari kung sila-sila lamang ng mga tao niya sa kongreso ang nakarinig ng kanyang mga sinabi kaso hindi lamang sila-sila kundi buong Pilipinas, kabilang na ang mga bata, at buong mundo ang nakarinig sa kanyang “verbal voyeurism.”

Nakahihiya.

Hindi dahil hipokrito tayo kaya natin pinupuna ang kabastusan ng Pangulo. May mga pagkakataon din na tayo ay nakalilimot at nagiging bastos din ng hindi natin namamalayan subalit bilang Pangulo ng bansa ay dapat mas maging maingat sa pagsasalita si Duterte. Wala siyang luho na maging balahura sa pananalita sapagkat siya ang mukha at bibig ng lipunang Pilipino sa mundo.

Ang isa pang nakalulungkot na napansin ng Usaping Bayan sa panahon ng SOMA ni Duterte ay ang kawalan ng paninindigan (o isip) ng karamihan sa miyembro ng kongreso. Akalain ba naman na palakpakan at hagikgikan nila ang mga walang kwentang biro (biro nga ba?) at kabastusan na pinakawalan ni Duterte, lalo na ang kanyang kaliwa’t kanang pagmumura.

May palagay Usapng Bayan na nakikita ng mga senador at kongresista ang kanilang kenkoy na sarili kaya hindi nila mapigilan ang pagtawa at pagpalakpak, na badya rin ng pangungunsinti sa masamang asal ng Pangulo. Hindi na nila naisip na una sa lahat, sila, sa sarili pa nilang bahay; ang nasasapol ng kawalang galang ng Pangulo. Sabagay, dumarami na  ang naniniwala sa ngayon na kabastos-bastos sila.

Haaay…kawawang bayan. Tila wala na tayong masusulingan dahil lahat halos ng institusyon na dapat ay kumakalinga sa atin tulad ng kongreso, human rights commission at hudikatura ay isa-isang winawasak o pinatatahimik ng galit na hatid ng administrasyong Duterte.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Miyerkoles at Biyernes. Makikita rin sa http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

One Reply to “SOMA*

  1. Dear Atty. Nelson,

    Congrats sa iyong mga pagsusuri sa nakaraang SOanoNA! ni panggulong Duterte.

    Mas maganda siguro tawagin na angSAMA — State Against Mind Address — dahil sa sobrang napaka-sama para sa mga maayos ang tenga, pandama at isip ay parang walang ginamit na “mind”. Walang anumang bahid pag-iisip ang mga binigkas. Ginawang tanga ang lahat nang sambayanang Pilipino.

    At ang naturang address ay mukhang walang “address”. Mabuti pa ang kanto, merong matatawag na kinalugaran at lokasyon! ang mga tinuran sa angSAMA,” na dapat sana ay para sa lahat nang taumbayan, ay walang kalugar-lugar ayon sa nararapat na pwesto sa estado o sa pamamahala ng bayan.

    Mabuhay ka at ang Beyond Deadlines- Ose Aquino

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.