Opinions

Paalam na Philippine Daily Inquirer?*

IBINENTA sa halagang umabot umano sa US$ 95 milyon ng pamilya Prieto ang Philippine Daily Inquirer kay Ramon Ang, pangulo ng San Miguel Corporation at ika-16 sa pinaka mayamang negosyante sa bansa.

Ang bentahan ay ipinahayag sa publiko matapos maiulat kamakailan na pinagiinitan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya Prieto, kabilang na ang kanilang PDI, dahil sa pagiging malapit daw nila sa nagdaang administrasyong Aquino.

Ayon sa mga ulat, ginagamit daw ng administrasyong Duterte sa panggigipit ang hindi umano pagbabayad ng buwis ng pamilya Prieto para sa Mile Long, isang piraso ng lupain at ari-arian sa Makati City na inuukupahan nang isa sa kanilang mga kumpanya.

Dahil si Ang ay isang kilalang kaalyado ng Pangulo ng bansa, marami ang nagpahayag nang paniniwala na titigil na sa paglalabas ng mga kritikal na artikulo laban sa kasalukuyang administrasyon ang PDI at “maaayos” na rin ang sigalot kaugnay sa hindi umano nabayarang buwis.

Hindi natin alam kung ano talaga ang nangyari sa likod ng bentahan ng pahayagan, kung ano ang motibasyon ng pamilya Prieto sa hakbang nilang ito at kung mangyayari nga ang pinaniniwalaan ng marami pero ang punto na ibig iparating ng Usaping Bayan sa lahat ay ang panalangin na sana’y hindi mapabayaan ang interes ng mga maliliit na empleyado ng PDI sa mga kaganapang ito.

Harinawa ay manatiling malakas ang PDI Employees Union para maipagtanggol nito ang mga anak pawis na nagtitindig sa pahayagan. Nakapanghihinayang kasi kung tuluyang magbabago ang patakaran na sinusunod ng PDI lalo na tungkol sa pagbabalita dahil naibenta lamang ito sa SMC.

Hindi perpekto ang PDI kahit noon pa man pero maraming tama sa ginagawa nito kaugnay sa paghahatid ng balita, alam ko dahil ang pahayagang ito ang humubog sa akin bagamat hindi ko nakasundo ang marami sa mga editors nito.

Tanging ang namayapang si Ms. Leticia Jimenez-Magsanoc at ginoong Recah Trinidad lamang ang aking sinasaluduhan sa mga editors ko noon dahil kinakitaan ko sila ng pangunawa at pagmamalasakit sa mga maliliit na mamamahayag na tulad ng inyong lingkod. Bukod doon ay sila ang tunay na sandigan kung bakit mayroong malaya at mabalasik na pamamahayag noon sa PDI.

Bilang panghuli ay ibig kong ipaabot ang aking palagay na walang dapat ipanghinayang ang mga dati kong kasamahan sa PDI sa bentahang naganap dahil hindi na rin naman ito ang pahayagan na ating nakilala at kinalakihan.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Miyerkoles at Biyernes. Makikita rin sa http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.