Opinions

Masahol pa sa hayop*

PAANO nga ba natin mailalarawan ang kalupitan na nagawa ng mga suspek sa pagmasaker sa isang pamilya sa Bulacan na ikinasawi ng limang tao?
 
Nang umuwi ang security guard na si Dexter Carlos sa San Jose del Monte, Bulacan ay binalot ito ng hilakbot nang makita ang hubad at walang buhay na katawan ng asawang si Estrella sa labas ng kanilang tahanan.
 
Ang kanyang biyenan na si Aurora ay patay na at bahagya ring nahubaran ng kasuotan sa loob ng kanilang tahanan.
 
Lalo pang gumuho ang kanyang mundo nang matagpuang patay sa isang silid ang tatlong paslit na anak na sina Donny, 11 anyos; Ella na edad pito; at Dexter Jr. na isang taon gulang lamang.
 
Sumuko sa mga awtoridad ang construction worker na si Carmelino Ibañez at inamin na ginahasa niya ang dalawa sa limang tao na pinaslang nila ng mga kasabwat na sina alyas “Tony” at “Inggo”. Nasa impluwensya raw sila ng droga at alak nang gawin ang krimen.
 
Kusa raw siyang sumuko dahil pinagsisisihan niya ang nagawang krimen at umaasang mapatatawad siya ng pamilya ng mga biktima.
 
Pero ang lalong nakapupuno ng dugo ay ang pahayag ni Ibañez sa mga awtoridad na parang balewala ang kanilang nagawa: “Wala lang, parang trip-trip lang. Naisipan lang pasukin”. Naisipan lang din umano niyang gahasain sina Estrella at Aurora at biglaan lang ito.
 
Bagaman umamin ang suspek na nagdroga sila ng kanyang mga kasabwat ay nakagugulat na negatibo ito nang isailalim sa drug test.
 
Ang pananaw ni Public Attorneys Office (PAO) chief Attorney Persida Acosta ay hindi raw magagawa ng isang tao na pumatay ng isang taon gulang at manaksak nang 45 ulit kung hindi ito bangag sa droga.
Naniniwala ang Firing Line na kung hindi man nasa impluwensya ng droga ang suspek ay may posibilidad na naburyong ito at may tama na sa utak dahil sa labis na paggamit ng shabu.
 
Magulo talaga ang isipan ni Ibañez dahil sa opisyal na pag-amin sa karumal-dumal na krimen ay itinanggi niya ang nagawang panghahalay.
 
Ang isang kasabwat na si alyas Tony ay nahuli na rin samantalang ang pangatlong suspek ay pinaghahanap pa.
 
Hustisya ang inaapila ni Carlos kay President Duterte. Ang mga suspek sa pagmasaker sa kanyang pamilya ang una umanong dapat bitayin kapag naibalik ang parusang kamatayan.
 
Masahol pa sa hayup ang krimen na ginawa sa kanyang pamilya. Magagawa bang kuwestyonin ng sino man kung bakit hangad ni Carlos na maibalik ang death penalty?
 
*              *              *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.
 *Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.
Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.