Opinions

Education Act ng 1982*

PASUKAN na naman at tiyak ko na nagkukumahog ang mga magulang dahil sa taas ng tuition at halaga ng gamit sa iskuwela.

Pero ang hindi alam ng marami ay malaki ang kaugnayan ng Batas Pambansa 232 o Education Act ng 1982 sa taas ng matrikula. Dangan kasi ang batas na ito ang nagsapribado at komersyalisado ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Ang Ed Act ng 1982 ay bahagi ng pandaigdigang plano ng International Monetary Fund at World Bank na bumuo ng tinatawag na murang labor pool sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas para sa merkado ng mundo. Kung kakaunti nga lamang ang magkakaroon ng mataas na pinagaralan sa mahusay na iskuwelahan ay dadami ang tatanggap ng trabaho, kahit na mababa ang suweldo rito sa atin o kaya ay sa ibang bansa.

Ang bunga ng planong ito ng IMF/WB ito ay kitang-kita natin ngayon. Pansinin na ang pinakamalaking niluluwas ng Pilipinas sa mundo ay ang murang lakas paggawa. Ito ang dahilan kaya milyon ang Pilipino na nag-aabroad. Nakadisenyo kasi ang sistema ng edukasyon para maging utusan tayong mga Pilipino ng mundo, hindi para maging lider dito.

Bukod dito ay bumaba rin ang kalidad ng mga iskuwelahan at dumami yung mga patakbuhin o pipitsuging paaralan mula elementarya hanggang kolehiyo. Katunayan nito, noong nakaraang taon ay walong unibersidad lamang mula sa ating bansa ang pumasok sa talaan ng 350 pinakamahusay na unibersidad sa Asya.

Ang walong ito, ayon sa QS university ranking, ay ang sumusunod: University of the Philippines na nasa ika-70 puwesto, Ateneo de Manila University na pang 99 na puwesto, La Salle University na napunta sa 143 na puwesto, University of Santo Tomas na naging pang 157 na puwesto. Samantala ang Ateneo de Davao, Siliman University and Xavier University at pareparehong nasa ika 251-300 puwesto at nangulelat naman ang University of San Carlos na nasa ika 301-350 puwesto.

Mantakin na lamang na sa dinami-rami ng mga unibersidad sa atin ay walo lamang ang kinilala sa buong Asya bilang mahusay na paaralan na pang tersera kurso at napansin n’yo ba na tanging UP lamang ang pampublikong paaralan sa mga ito?

Ang nakalulumo na kalalagayan ng sistemang pang edukasyon sa Pilipinas ang dahilan kung bakit dapat manindigan ang bayan. Dapat kumilos tayo upang maibasura ang Ed Act ng 1982 at mapalitan ito ng isang batas na tunay na magsusulong ng interes ng bayan at mga mag-aaral.

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Biyernes at Lunes. Makikita rin sa http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.