Opinions

Hanggang saan tatagal ang Maute?*

GAANO katatag ang Maute group sa pakikipaglaban sa gobyerno?

Ipinakikita nila ang kanilang tapang na lalong pinalakas ng suporta na nakukuha mula sa mga dayuhang teroristang miyembro ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

Ang kanilang samahan ay pinamumunuan ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute, dating tapat na tagasunod ng yumaong Hashim Salamat, na pinuno noon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Malapit din sila sa yumaong MILF leader na si Alim Abdulaziz Mimbantas dahil pinsan sila ng pangalawang asawa nito.

Nang makauwi ang magkapatid na Maute sa bansa matapos mag-aral sa abroad ay nagsimula silang maghanap ng sariling tagasunod. Nakakita naman sila ng kaalyado sa mga grupong kriminal.

Kasama si Zulkifli bin Hir alyas “Marwan” ay binuo nila ang Khilafah Islamiyah Mindanao (KIM). Nabuwag nga lamang ang grupong ito nang mapaslang si Marwan sa pagsalakay ng mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 2015.

Inilipat ng Maute ang katapatan nito sa ISIS at nakiisa kay Isnilon Hapilon, na pinuno ng Abu Sayyaf at itinalagang lider ng ISIS sa Pilipinas. Inaprubahan ng naturang international terror group ang ginawa nilang pananalakay sa Marawi City.

Idagdag pa rito ang suporta ng puwersa na hawak ni Hapilon, na may patong na $5 milyon sa ulo nang dahil sa pagkakasangkot sa pagdukot sa mga dayuhang Amerikano sa isang resort noong 2001 at pagpugot sa isa sa kanila.

Pero ano man ang ipinagmamalaki ng Maute group na lakas ng nakukuhang suporta ay iba na ang sitwasyon ngayong nahuli at hawak na ng gobyerno ang kanilang mga magulang.

Ang ama nilang si Cayamora Maute ay nahuli sa isang checkpoint sa Davao City noong Martes habang kasama ang kanyang pangalawang asawa na si Kongan Balawag, anak na babaing si Norjannah Balawag Maute at manugang na si Benzarali Tingao.

Noong Biyernes naman ay inaresto ang kanilang ina na si Ominta Romano Maute alyas “Farhana” sa Masiu, Lanao del Sur. Bumibili ito ng mga sasakyan at karagdagang armas para sa mga anak at kanilang tauhan para makatakas sa Marawi.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang iparating ni Farhana kay President Duterte ang kagustuhang makipag-usap kaugnay ng nagaganap na kaguluhan sa Marawi City, pero tahasan itong tinanggihan ng Pangulo.

Sumasang-ayon ang Firing Line kay Duterte sa puntong ito. Mag-usap kapag tapos na ang giyera. Napakaraming sundalo at pulis na ang nasawi. Dapat tuldukan ng gobyerno ang terorismo ng Maute agad-agad.

Hanggang saan ba ang itatagal ng Maute group?

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

    *Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.