Opinions

Ang Dakilang Araw ng mga manggagawa*

IPINAGDIRIWANG sa buong daidig ngayong araw na ito, Mayo Uno, ang Dakilang Araw ng mga tunay na gumagawa ng yaman ng bansa, ang mga manggagawa.

May palagay ako na inaakala ng marami sa atin na mga komunistang Ruso o Intsik ang nag-paumpisa ng ganitong tradisyon sa daigdig subalit tiyak ko na magugulat kayo dahil ang araw na ito ay pamana sa mundo ng mga ordinaryong manggagawang Amerikano.

Mayo Uno ng taong 1886 sa lungsod ng Chicago sa Amerika nang unang magtipon ang libo-libong mga ordinaryong manggagawang Amerikano upang hilingin sa pamahalaan ang pagkakaroon ng tinatawag na walong oras na trabaho sa maghapon o “eight hour a day work.”

Pinagbabaril ng mga pulisya ang mga kumikilos na manggagawa na nauwi sa pagkamatay ng apat at pagkasugat ng marami pang iba. Imbes na matakot ang mga kumikilos ay sinundan pa nila ang kanilang mga pagkilos na nauwi sa tinatawag na Haymarket incident noong ika-3 ng Mayo kung saan may nagpasabog ng bomba na naging dahilan ng kamatayan ng pitong pulis at limang manggagawa.

Hanggang ngayon ay hindi alam kung sino ang nasa likod ng pagpapasabog subalit ang napagbintangan noon ay ang mga manggagawa. Sa kabila ng kasalatan ng ebidensya, anim sa mga manggagawa, na sinasabing mga anarkista, ang binitay ng estado.

Naging kontrobersyal sa buong mundo ang pangyayari kaya sa huli ay napilitan na rin ang pamahalaang Amerikano na ibigay ang kahilingan ng mga manggagawa na ipatupad ang walong oras lamang na trabaho sa maghapon.

Ang walong oras na pagtatrabaho ay naging usapin din dito sa Pilipinas. Ang pribilehiyong ito ay unang ipinaglaban ng Union Obrera Democratica Filipina o UODF na itinatag ng teologo at sosyalistang si Don Isabelo “Don Belong” De los Reyes.

Sa huli, sa kabila ng patuloy na panunupil ng Philippine Constabulary at ng reaksyonaryong pamahalaang commonwealth, ay nakamit din ng mga manggagawang Pilipino ang inaasam na walong oras na pagtatrabaho sa maghapon.

Ang pribilehiyong ito na tinatamasa ng marami ngayon ay utang ng lahat sa mga manggagawang nagsakripisyo ng dugo, pawis at buhay. Gayun man ay hindi pa tapos ang laban para sa isang makataong siste sa paggawa. Patuloy pa ang pakikibaka ng mga manggagawa kaya sa araw na ito ay mahalagang makiisa tayo sa kanilang mga kilos na sa dulo ay atin ding pakikinabangan.

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Biyernes at Lunes. Makikita rin sa http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.