News Opinions

Huwag naman sana matuloy ang bantang labo-labo ng mga bansa*

MAY mga eksperto na nagsasabing malabo pang pumutok ang isang digmaang nukleyar sa Korean peninsula maliban na lamang kung biglang masira ang ulo ng pangulo ng Amerika na si Donald Trump o ang isip ng pinuno ng North Korea na si Kim Jong Il.

Dangan kasi kapag nagumpisa ang putukan ay tiyak na hindi ito mananatiling sa Korean peninsula lamang. Alam ni Trump na kapag binanatan niya ang North Korea ay gaganti agad ito laban sa South Korea at Japan. Hindi malayong gamitan ng armas nukleyar ni Kim Jong Il ang dalawang bansang nabanggit dahil ito ang kanyang mga sinisisi na siyang dahilan ng tensyon sa nasabing peninsula.

Kung matutuloy ito ay tiyak na sasalakayin naman ng USA ng North Korea at inaasahan na tulad noong 1950, kikilos ang Tsina bilang kakampi ng North Korea. Ang North Korea kasi ang bantay ng Tsina sa Korean peninsula kaya hindi nila hahayaang bumagsak ang rehimen ni Kim Jong Il.

Bilang miyembro ng North Atlantic Treaty Organization ang USA ay tiyak a madadamay rin ang mga NATO member countries sa Europa sa gulong ito. Huwag nating kalilimutan na sa kasalukuyan ay naggigirian ang Rusya, na kakampi ng Tsina, at ang mga bansang miyembro ng NATO, na binubuo ng halos lahat ng mga bansa mula sa Kanluran at Silangang Europa.

Kung kikilos ang NATO ay malamang na kikilos din ang Rusya at kapag kumilos ang Rusya, gagalaw laban dito ang Turkey at kaalyado nito na Saudi Arabia, Qatar at Kuwait. Hindi naman mananatiling tahimik ang Iran, Iraq, Syria, at Hezbollah kung sakali dahil kakampi nila ang Rusya. Dahil sa pagkilos ng Hezbollah ay tiyak na kikilos ang mortal nitong kalaban na Israel.

Haaay naku tunay na magiging pandaigdigan ang giyerang ito pero dahil din sa katangiang ito, sabi ng mga eksperto, kaya malamang na hindi kikilos si Trump at hindi matutuloy ang giyera. Pero may posibilidad na sa kabila nito ay maging mapusok si Trump tulad ng ginawa niya kamakailan sa Syria at Afghanistan at mamiskalkula niya ang magiging reaksyon ng batang Kim.

Hindi pa natin nababanggit dito ang magiging lagay ng Pilipinas at iba pang tulad nating mga bansa na kaalyado ang US. Hindi pa rin natin nalalaman kung papaano kikilos ang magkaribal na India at Pakistan na parehong may armas nukleyar. Ang India ay malapit sa US samantalang ang Pakistan ay may mainit na relasyon sa Tsina.

Huwag naman sana dahil tiyak na labo-labo ito

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Biyernes at Lunes. Makikita rin sa http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.