Opinions

Duda sa komunista*

ISYU na naman ang pagpapatupad ng pansamantalang tigil-putukan ng gobyerno at mga rebeldeng komunista. 

Magsisimula umano ito sa oras na magkasundo ang magkabilang panig sa mga patakaran na ipatutupad, at mananatiing epektibo hanggang sa makabuo sila ng permanenteng tigil-putukan upang tuluyang matapos ang mga karahasan at pagbubuwis ng buhay ng marami. 

Ito ang napagkasunduan ng mga negosyador mula sa gobyerno at ng komunistang National Democratic Front of the Philippines nang pormal nilang talakayin ang isyu sa Netherlands noong isang linggo. 

Magandang pakinggan ang lahat ng ito pero mapagkakatiwalaan ba ang mga komunista na tumupad sa tigil-putukan?

Kamakailan lang ay ibinunyag ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang walang habas na pangingikil ng New People’s Army (NPA) sa mga maralitang magsasaka, maliliit na negosyante, pati na ang pagsunog at pagwasak sa mga kagamitan ng mga korporasyon na tumangging magbayad ng revolutionary tax. 

Inireklamo ng mga magsasaka ng rubber sa North Cotabato na ang mga kolektor ng NPA revolutionary tax ay humihingi ng kabayarang P3 kada buwan sa bawat rubber tree. 

Nangangahulugan ito na kung ang magsasaka ay may isang ektaryang lupain na may 500 puno, dapat siyang magbayad ng P1,500. 

Nalaman ni Piñol na maging ang maliliit na sari-sari store sa Malimono, Surigao del Norte, na itinuturing na pinakamahirap na bayan sa bansa, ay hindi pinatawad at hinihingan din ng buwis. Wala raw magawa ang mahihirap dahil may mga baril ang NPA. 

Ang dumanas umano ng pinakamalaking kawalan sa pangingikil ng NPA ay ang mga korporasyong pang-agrikultura sa Mindanao na pinagmumulan ng mga saging at pinya na pang-export. 

Ang mga kompanya ng saging at pinya ay nag-ulat na nagkaroon ng siyam na ulit na pagsalakay mula Pebrero hanggang Marso 27, 2017, na nagresulta sa pagkasawi ng pitong sundalo, dalawang pinaghihinalaang kadre at pagkawasak ng kagamitan na nagkakahalaga ng daan-daang milyon. 

Ang Dole Stanfilco sa Surigao del Sur na may 1,500 na manggagawa ay napilitang magsara matapos ang serye ng pananalakay ng NPA. 

Kilala natin si Piñol kaya batid natin na nabagbag ang kalooban niya sa masaklap na sinapit ng mga maralita sa mga rebelde. 

Sino ba ang ayaw sa kapayapaan? Sawa na tayo sa halos walang katapusang karahasan na dinaranas ng mga pulis, sundalo at mga sibilyan sa kamay ng mga komunista. 

Pero paano natin matatamo ang tunay na katahimikan kung ang mga komunista ay iba ang sinasabi sa ginagawa? Mga traydor na hindi marunong rumespeto sa kasunduan, kapayapaan at higit sa lahat, sa pamahalaan. 

*              *              * 

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.