Opinions

Ang buwan ng Abril*

KAKATWA raw ang papasok na buwan ng Abril dahil ayon sa mga eksperto na nakabase sa United States ay delikado ang buwan na ito dahil puno raw ito ng karahasan, hindi lamang sa Amerika kundi sa iba pang panig ng mundo.

Kabaligtaran naman ito para sa ating mga Pilipino. Dangan kasi, ang buwan ng Abril ang umpisa ng masasayang mga araw sa ating bayan dahil bakasyon sa panahong ito ang mga bata. Ito rin ang panahon nang paliligo sa mga swimming pool, ilog o karagatan dahil ang buwan ng Abril ang umpisa ng tag-init sa Pilipinas.

Pero iba ang paniniwala ng mga Amerikanong sayantipiko na nag-aaral tungkol sa karahasan ng tao. Ayon sa kanila, ang buwan ng Abril ang panahon ng karahasan dahil napansin nila na karamihan sa mga mass murder o maramihang pagpatay na naitala sa kanilang kasaysayan ay naganap sa buwang ito.

Bilang halimbawa ay pinansin nila na pinasabog ng Amerikanong terorista na si Timothy McVeigh ang isang gusali ng pamahalaang federal ng Amerika sa Oklahoma noong 1995. Maraming buhay ang nawala dahil sa naturang pagpapasabog.

Buwan din ng Abril, 1999 nang patayin ng magkaibigang si Eric Harris at Dylan Klebold ang 13 sa kanilang kamag-aral sa Columbine High School at pareho ding buwan ng taong 2007 naman ng patayin ni Seung Hui Cho ang 32 mag-aaral at guro ng Virginia Tech.

Abril din ng mapatay si Dr. Martin Luther King at ang dating pangulo ng U.S. na si Abraham Lincoln.

Dahil sa mga karumal-dumal na pangyayaring ito ay naging pula sa kalendaryo ng mga ekspertong Amerikano ang buwan ng Abril.

Ayon sa kanila madali sanang maunawaan kung nagaganap ang mga krimeng nabanggit kung panahon ng tag-init dahil tiyak na mainit ang ulo ng mga tao tuwing summer. Pero spring time ang Abril at hindi naman ganoon kainit tulad ng summer kaya talagang kataka-taka kung bakit marahas ang mga tao sa buwang ito.

Gayon man, magkaiba man tayo ng pinaniniwalaan ay walang argumento sa katotohanan para sa mga mananampalatayang Katoliko Kristyano na puno rin ng pag-asa ang buwan ng Abril.

Dapat nating mapansin na may mga pagkakataon na ang paggunita sa Araw ng Linggo ng Pagkabuhay ni Kristo Hesus ay tumatapat din sa buwan ng Abril. Ang araw na ito ay walang kahalintulad sa pagkapuno ng pag-asa para sa kanyang mga mananampalataya.

Ito ang araw kung kailan ginapi ng panginoon ang kamatayan sa kanyang muling pagkabuhay matapos mapako sa krus.

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Biyernes at Lunes. Makikita rin sa http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.