Opinions

Mga kompanyang lumuray sa kalikasan*

KINONDENA ni President Duterte ang mga kompanya ng minahan dahil sa pagluray na ginawa nila sa kalikasan sa ilang bahagi ng bansa. 

Sa isang pulong balitaan ay inilabas ni Duterte ang kanyang galit, kasabay ng paggamit ng makukulay na salita na kanyang nakagawian, habang ipinakikita ang mga larawan ng nakawiwindang na epekto ng minahan sa lugar. Daig pa nito ang dinaanan ng bagyo.
 
Nawala ang mga puno sa kagubatan at pati na mga isda sa tubig na naging kontaminado. Kinukuwestyon niya kung nasaan na ang yaman ng kalikasan na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Saan kukuha ng makakain ang mahihirap?
 
Ito ang dahilan kung bakit naniniwala ang Pangulo sa ipinaglalaban ni Environment Secretary Gina Lopez. Pinag-iisipan tuloy ni Duterte na payagan si Lopez na magpatupad ng pagbabawal sa pagmimina sa buong bansa.
 
Hindi raw magiging pantay-pantay kung ang maliliit na kababayan natin na nagkakaingin o nagsusunog ng halamanan sa ilang bahagi ng kagubatan para sa bagong pananim ay hinuhuli samantalang ang malalaking minero ay pinalulusot.
 
Papayagan naman daw ng Pangulo ang responsableng pagmimina kung saan pinuprotektahan ng mga kompanya ang kalikasan na nakapaligid sa kanilang pinagmiminahan.
 
Sa katunayan ay kinilala niya ang pagsisikap ng mga kompanya ng pagmimina na nagsasaayos at muling bumubuhay sa kapaligiran ng kanilang ginagalawan.
 
Pero makabubuti umano na magkaroon muna ng total ban sa pagmimina at makausap niya nang masinsinan ang mga minero, nang kahit sila-sila lang o kaharap ang media, upang maipaliwanag sa kanya kung bakit nagkaganito ang ating mga kagubatan.
 
Bukod pa rito, ayon kay Duterte ay may mga kompanya ng pagmimina na nagpopondo umano sa oposisyon para pabagsakin ang kanyang administrasyon.
 
Alam na raw ng Pangulo kung sinu-sino ang gumagastos para matuloy ang naturang masamang balakin. Bahala na raw ang mga pulis at militar kung susuportahan nila ang mga pagtatangka na ito.
 
Kung totoong pinopondohan ng ilang kompanya ng pagmimina ang pagpapabagsak sa administrasyon, patunay lang ito na desperado na sila at gustong mapalitan si Duterte ng ibang opisyal na kaya nilang diktahan at hawakan sa leeg.
 
Tama si Duterte na ang P70 bilyon na inaambag ng pagmimina sa kaban ng gobyerno ay hindi sapat kung ikukumpara sa laki ng pinsala na kanilang idinudulot. Kapuri-puri na hindi siya kayang payukuin sa kagustuhan ng mga minero.
 
Hindi rin nagkamali ang Pangulo sa pagsuporta kay Lopez, na hindi kayang pasukuin ng industriya ng pagmimina. Naniniwala ang Firing Line sa kanyang ipinaglalaban. Protektahan natin ang Inang Kalikasan.
 
*              *              * 
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.
  *Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.
Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.