News

Karagdagang SSS pensyon matatanggap na

SSS President Emmanuel Dooc Photo © Manila Bulletin Business

KINUMPIRMA ng Social Security System  (SSS) ng Pilipinas na naaprubahan na nito ang P1,000 karagdagang pensyon para sa mahigit na dalawang milyong miyembro nito. 

Ito ang ibinalita sa mga mamamahayag ni SSS President Emmanuel F. Dooc nitong nagdaang Miyerkoles. Sinabi pa niya na matatanggap na ng umaabot sa 2.04 milyong pensyonado ng SSS ang kanilang pensyon mula ngayong Biyernes. Idinagdag pa niya na nagpalabas na nang P2 bilyong piso ang SSS upang mabayaran na ang pensyon para sa buwan ng Enero.

“Malugod naming ibinabalita sa aming mga pensyonado na ang karagdagang P1,000 benepisyo para sa buwan ng Enero 2017 ay maaari nang i-withdraw sa kanilang bank accounts. Samantala, ang mga karagdagang benepisyo para sa buwan ng Pebrero at Marso ay matatanggap sa mga susunod na Biyernes ng Marso (10 at 17),” sabi ni Dooc.

Batay sa ginawang bagong pagpoproseso ng listahan ng mga pangalan ng mga pensyonado ng Information and System Department, naideposito na ang mahigit sa P2.04 bilyon sa bank accounts ng mga pensyonado at maaari nang i-withdraw sa mga nasabing petsa. Lahat ng retirado, survivors, permanent and partial disability pensioners ay makatatanggap ng P1,000 karagdagang benepisyo. Maging ang mga bagong pensyonado ay makatatanggap din ng karagdagang benepisyo. 

Ang karagdagang P1,000 benepisyo para sa mga pensyonado ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 10 samantalang ang pormal na direktiba upang ipagkaloob ang pensyon ay pinirmahan noong Pebrero 22.

Nauna ng tinutulan ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang pagtataas ng pensyon ng mga miyembro ng SSS dahil sa pangamba na maaring mababangkarote ang SSS sa kinalaunan kung lalakihan nito ang pensyon ng mga pensyonado. 

Tinatayang aabot sa halos P6.9 bilyon ang inilaang halaga para sa karagdagang P1,000 benepisyo para sa unang tatlong buwan ng taon. Ito ay bukod pa sa P7.4 bilyon na inilalabas kada buwan simula noong Enero 2017 para sa regular na pensyon. 

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

One Reply to “Karagdagang SSS pensyon matatanggap na

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.