Opinions

Huwag pabulag sa kinang ng EDSA*

NITONG nagdaang Sabado ang rurok ng paggunita ng mga Liberal Demoktrata sa ika-31 taon na anibersaryo EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa diktador at dating pangulo na si Ferdinand Marcos Sr.

Marami ang dapat ipagpasalamat sa kaganapang ito pero hindi tayo dapat mabulag sa kakulangan ng EDSA-PPR na iluwal ang isang lipunan na may Katarungan, Katotohanan, Kalayaan, Pag-ibig at Kapayapaan, mga katangian ng inaasam na paghahari ng Diyos sa dito lupa.

May hatid na kabutihan ang EDSA-PPR sapagkat ito ang naging daan upang lumawak muli ang ispasyo politikal na nagbigay sa atin ngayon ng maraming kalayaan tulad halimbawa ng kalayaan sa pamamahayag at kalayaan mula sa takot na hatid ng isang sistemang diktaduryal.

Dangan nga lamang ay hindi tayo dapat makuntento sa mga nakamtan dahil habang dumadaan ang panahon ay dahan-dahan na yumayabong muli ang mga binhi ng diktadura. Dapat nating matyagan at labanan ang mga tangka ng reaksyonaryong ilan para bawiin ang katiting na kalayaan na ating nakamtam dahil sa EDSA-PPR.

Bukod sa pagbabantay sa ating mga nakamit ay dapat tayong kumilos upang lumawak ang nabuksang ispasyo politikal at paabutin ang biyaya nito sa sistemang pang-ekonomiya at kultura. Dapat nating trabahuhin na maging makatarungan ang paghahati ng pambansang yaman, maitaguyod ang katarungang pang kalikasan at lipunan, mapayaman ang kulturang Pilipino at mapatibay ang pambansang kaakuhan o national identity.

Sa kabila ng kabutihang nadala sa atin ng EDSA-PPR ay dapat din nating makita na ito ay isang proseso lamang nang pagpapalit ng mga bantay sa nananatiling kaayusan – isang sistemang pangekonomiya na pabor sa matandang oligarkiya, isang sisteng politikal na nakadisenyo para sa mga pul-politiko at ang isang sosyo-kultura na bukod sa pagiging western oriented ay mapantakas at nakalalabnaw ng diwang makabansa.

Ang EDSA-PPR ay dapat nating sipatin at unawain sa pamamagitan ng lente ng tunay na liwanag at katwiran. Hindi tayo dapat malinlang ng pangaknong kaayusan na ang kapalit ay ang ating kalayaan.

* * *

Ngayong dinakip na si Senadora Leila De Lima ay may palagay akong hindi siya gagawa ng mga hakbang upang maantala ang pagdinig ng hukuman sa kanyang kaso. Ito na ang pagkakataon na pasinungalingan niya ang bintang sa kanya ng administrasyong ito.

Bilang mamamayan na may turing ay dapat naman na bantayan natin ang kasong ito upang matiyak na tanging ang katotohanan lamang ang mananaig at hindi ang kabulaanan.

* * *

Nakikiramay ang Usaping Bayan kay Quezon City Mayor Herbert Bautista sa pagyao ng kanyang ama, ang batikang aktor at dating kunsehal ng QC na si Herminio “Butch” Bautista. Condolence Mayor Herbert.

Nakikiramay din ang Usaping Bayan sa mga naulila ni Gng. Asela Carbonel na pumanaw kamakailan. Condolence po sa inyo.

  *Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.