Opinions

PNP-SAF na minasaker ng MILF sa Mamasapano pararangalan na*

SALAMAT naman at opisyal nang kinilala ng pamahalaan ang kabayanihan ng lahat ng 44 na miyembro nf Philippine National Police-Special Action Force na minasaker ng Moro Islamic Liberation Front sa isang ambush sa bayan ng Mamasapano dalawang taon na ang nakararaan.

Sa pagrerekomenda ng National Police Commission kay Pangulong Rodrigo Duterte na gawaran ng pinakamataas na parangal ang nalalabi pang 42 PNP-SAF ay kinilala na ng pamahalaan ang kanilang ibinuwis na buhay para sa bayan. Sa hindi pa malinaw na dahilan ay hindi nabigyan ng kaukulang parangal ng nagdaang administrasyon ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang lahat ng PNP-SAF na namasaker sa Mamasapano.

Medyo nakalulungkot nga lamang na nahuli ang pagkilala bunga na rin siguro ng pagiging manhid ng nagdaang pamunuan pero ika nga natin….huli man daw at magaling naihahabol din.

* * *

Nangangamba ang mga manggagawa sa Ninoy Aquino International Airport na baka maapektuhan ang kanilang trabaho kung sakaling isapribado ng pamahalaan ang pagpapatakbo ng paliparan. May basehan ang kanilang takot sapagkat hindi naman lingid sa ating lahat na ang bunga ng bawat privatization ay ang pagkawala nang trabaho ng marami.

Dangan kasi nagiging ang pagkakamal ng tubo ang prioridad ng mga bagong nagmamay-ari ng ahensya na nasasapribado at hindi na ang pampublikong serbisyo. Ang tiyak na una nilang gagawin ay i-streamline ang operasyon ng ahensya na naisapribado sa pamamagitan ng pagsibak sa mga umano ay sobrang bilang ng mga kawani nito.

Pero ang totoo niyan ay nagtitipid lamang ang bagong mga kapitalista para lumaki ang kanilang tubo at yung tinatawag na return of investments. Higit na mas mahalaga sa kanila ang kinang ng kusing kaysa matiyak na patuloy na may mapagkukunan nang ikinabubuhay ang kani-kaniyang pamilya ng mga empleyado na kanilang sisibakin.

* * *

Ang paunawa naman ng Usaping Bayan sa mga nangangambang empleyado ng NAIA ay pagbutihan ninyo ang inyong pagtatrabaho upang kung dumating ang sandali na magkatotoo ang inyong takot ay madali kayong makahihingi ng suporta sa taong bayan. Kung kasiya-siya ang inyong serbisyo ay maraming magsisimpatya sa inyo kung sakaling magkatotoo na isasapribado nga ang operasyon ng NAIA.

Mahirap humingi ng ayuda sa taong bayan kung ang naririnig o nababalitaan nila ay ang pagkakaroon ng sindikato ng laglag bala o ang salisihang nagaganap sa mga bagahe ng mga dumarating na pasahero o di kaya ay ang pangingikil umano sa mga balikbayan at piling turista ng ilang tiwali mula sa Bureau of immigration at Bureau of Customs.

 

 

 

 

 

 

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.