Opinions

Parusahan at ikulong*

WALANG alinlangan na mabuti ang hangarin ni President Duterte sa kanyang isinasagawang digmaan laban sa iligal na droga, kaya suportado ito ng karamihan ng Pilipino.

Sa sobrang galit ni Duterte sa droga ay inatasan niya ang mga pulis na paslangin ang mga suspek na lalaban kapag inaaresto. Wala raw dapat alalahanin ang kapulisan dahil sagot niya ang mga ito.

Ang pahayag ng suportang ito na ibinigay niya sa mga pinagtitiwalaang alagad ng batas ang maaaring naging susi kaya lumakas ang loob nila para gawin ang anumang gustuhin, nang walang inaalalang pananagutan.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson, nakaligtaan umano ng Pangulo na paalalahanan ang kapulisan na mag-operate lamang nang naaayon sa batas.

Ngayon ay nahaharap ang Senado sa pagsisiyasat sa kaso ng negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo na pinaslang sa loob mismo ng police headquarters sa Camp Crame.

Ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang sinibak sa puwesto at kasalukuyang iniimbestigahan sa pagkakadawit sa pamamaslang kay Jee.

Sa pagdinig ng Senado ay nagpakita rin si Lacson ng CCTV footage ng ibang grupo ng mga pulis na makikitang nagtatanim ng droga sa loob ng isang opisina bago magsagawa ng raid.

Noong Nobyembre ay pinangunahan din ni Lacson ang pagsisiyasat sa kamatayan ni Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. Pinatay ito ng mga pulis na pumasok sa kanyang selda para magsilbi raw ng search warrant.

Bukod sa kaso ni Jee, pitong miyembro naman ng Angeles City Police ang dinis-armahan, sinibak at inatasang “restricted to barracks” dahil sa pag-kidnap sa tatlong Koreano noong Disyembre.

Sangkot daw sa illegal gambling ang mga Koreano pero walang dalang arrest o search warrant ang mga pulis. Kinuha nila ang mga kagamitang pang-golf, sapatos, alahas at laptops mula sa bahay ng mga Koreano. Wala ring reklamo o blotter na magdodokumento sa pag-aresto sa mga ito.

Bukod sa naiabot na P10,000, nangutang pa raw ang mga Koreano ng P300,000 sa isang kaibigan para maibigay sa mga pulis dahil panay ang hingi ng pera ng mga ito.

Hindi maikakaila na maraming pulis ang sangkot sa mga kaso ng pagnanakaw, kidnap, pangongotong at iba pang paglabag sa batas.

Pero sawa na ang mga tao sa simpleng pagsibak at paglilipat ng puwesto sa kanila, na kadalasang nangyayari. Pagkalipas kasi ng ilang buwan o isang taon ay makikita nilang nakabalik na sa puwesto ang sinibak na pulis. Ang gusto nila ngayon ay maparusahan ang mga ito at makulong.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

 

 

 

 

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.