Opinions

Andres Bonifacio (Unang Bahagi)*

00-usaping-bayan-nelson

NITONG nagdaang Miyerkoles, ika-30 ng Nobyembre, ay ika-153 taong kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio, ang ama Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK-AnB) at Unang Pangulong Bayan. 

Sa kabila nito ay wala tayong nakita o narinig man lamang na mga malakihan at makabuluhang paggunita para sa mahalagang araw na iyon. Maliban siguro sa nakagisnan nang pagtatas ng bandila ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa Monumento sa Lungsod ng Caloocan, Liwasang Bonifacio sa Maynila, sa Dambana ni Tandang Sora sa Lungsod Quezon at sa Fort Bonifacio sa Lungsod ng Makati ay walang malawakang selebrasyon kaugnay ng okasyong ito.

Wala ng halaga ang Nob. 30 bilang Araw ni Bonifacio, na lalong naging kapuna-puna ng tawagin na lamang itong National Heroes Day. 

Gayun man ay hindi ako nagtataka kung bakit ganito sa siste. Bahagi kasi ito ng patuloy na panliliit sa ala-ala ni Gat Bonifacio ng mga puwersa ng reaksyon upang huwag kumalat ang kanyang mapanganib na saloobin at pag-ibig sa bayan.

Para mailarawan ko nang tama ang mga delikadong kaisipan niya ay hayaan ninyo akong ibahagi sa inyo ang ilang bahagi ng “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” na kahit isinulat ni Gat Bonifacio nuong Marso, 1896 ay na angkop na angkop pa rin sa ating kalagayan ngayon. 

Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katwiran na sumisikat sa Silanganan ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin. Ang liwanag niya’y tanglaw sa ating mga mata upang makita natin ang mga kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal.” 

Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo’t lalong kataksilan, lalo’t lalong kaalipustaan, at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran na tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan.Itinuturo ng katwiran na tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala, at tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.” 

Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon, panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan…” 

Ang pataksil na pagpapatay sa kanya ni Emilio Aguinaldo sa Maragondon, Cavite nuong 1897 ay hindi sapat para sa kanila na puwersa ng reaksyon. Dapat ay hindi kilalanin si Gat Bonifacio at patuloy na insultuhin ang kanyang ala-ala. 

Ang isang pailalim na paraan nang pang-iinsulto ay ang pagbibigay bansag kay Gat Bonifacio na “Great Plebian” o Dakilang Bakya. Ito ay kontradiksyon ng mga salita. Ito ay insulto personal na pilit lumiliit sa ala-ala ng bayani sa ating kaisipan. Paano magiging dakila ang isang walang birtud? Nasaan ang kabayanihan kung siya ay katulad lamang ng lahat (mediocre)? Sino siya kung siya ay walang tagumpay o kabiguan sa buhay? Tanging ang mga nag-iiwan lamang ng marka ang nagiging bayani at hindi ang isang walang iniwang alamat. 

(itutuloy)

 

 

 

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.