Opinions

Huwag hatiin ang bayan sa gitna ng malaking laban*

 

00-usaping-bayan-nelson

HINDI ko na tatalakayin pa ang ginawang panakaw na paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos ng kanyang pamilya dahil marami na ang sumisipat doon. Nakatitiyak ako na sa puntong ito ay alam na ng sambayanan ang dapat gawin.

Ang pagtutuunan ng Usaping Bayan ay ang pakikiusap kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang gumawa ng mga bagay na ikahahati ng bayan tulad ng kanyang pasya na hayaang malibing ang dating diktador sa Libingan ng mga Bayani.

Nasa kritikal na bahagi tayo ng tinatawag na “decolonization,” kung ang pagbabatayan ay ang mga pahayag ni Pangulong Duterte kaugnay ng pagkakaroon natin nang malayang ugnayang panlabas at ang ating pakikipagkaibigan sa Tsina.

Dahil dito ay tiyak na galit na galit ang puwersa nang reaksyon at mga mikorobio nila sa ating lipunan. Tiyak na naghihintay ang mga ito ng pagkakataon na maaring samantalahin upang madestabila ang pamahalaan, katulad ng nangyayaring pagkakahati-hati ng bayan ngayon. Ibig nilang makabalik sa poder upang mapigil ang ating pagkakaroon ng malayang kamulatan.

Sa hindi sinasadyang paraan o dahil sa kakitiran ng pananaw ay binigyan ni Pangulong Duterte ang puwersa ng reaksyon ng puwang upang gatungan ang lehitimong galit ng bayan kaugnay ng ginawang panakaw na paglilibing kay Marcos. Hindi kailangan ng bayan ang ganitong abala sa ating “decolonization.”

Makabubuti sa kasalukuyang administrasyon na maghinay-hinay sa mga pasya nito, lalo na yung may potensyal na humati sa bayan katulad ng usapin ng mga Marcos at ang planong pagbuhay sa salot na Bataan Nuclear Power Plant.

Hindi tumitigil ang puwersa ng reaksyon at mga mikorobio nito sa kongreso, at talunan o laos na cause oriented groups. Sila ay nagaantay ng pagkakataon na muling maagaw ang kapangyarihan sa pagkukunwari na ito ay katarunga’t demokrasyang bayan.

Huwag nating kalilimutan ang ating naging karanasan noong silang mga reaksyonaryo ang may tangan ng poder.

May mga isyu laban sa administrasyong Duterte pero higit na mas kailangan ang pagkakaisa ngayon dahil ang nakasalalay dito ay ang kinabukasan ng saling lahing paparating.

* * *

Ang sabi ng ilan ay:

  • Patawarin na ang may sala, pero paanong patatawarin ang nagsasasbing sila ay walang kasalanan.
  • Tayo raw ay mag “move-on” na, pero paanong mag momove-on kung walang katarungan o paghingi nang paumanhin lamang sa mga naapi at pinahirapan
  • Hindi raw dapat sumali ang mga millenials sa isyung nagdaan dahil wala pa sila noon, pero paano yung tinatawag na collective memory at experience na naisasalin sa lahi
  • Hindi raw kasalanan ng anak ang sala ng mga magulang, iyon ay kung inosente at hindi sila nagpasasa sa sala ng magulang nila

Ito ay ilang butil lamang ng asin ng mundo na maari nating pagnilayan.

Salamat po.

 

 

 

 

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.