Opinions

Ayaw ng giyera kaya si Trump ang ibinoto ng tao*

00-usaping-bayan-nelson

MARAMI ang nag-poprotestang mamamayan ng US dahil nanalo si Donald Trump laban kay Hillary Clinton nitong nagdaang pampanguluhang eleksyon sa Amerika.

May mga kakilala rin ako na kababayan natin na ayaw kay Trump dahil mas gugustuhin nila na si Clinton ang naka-upo sa White House. Pero may palagay ako na baka hindi lamang nila masyadong kilala si Aling Hillary kaya may ganoong pananaw sila.

Sa totoo lang kung ako ang tatanungin ay wala akong mapipili kay Aling Hillary o Mang Donald dahil pareho kasing may mga mabibigat na isyu laban sa kanila. Pero kung halimbawang kailangan talagang pumili ay si Mang Donald ang pipiliin ko.

Isa lang ang dahilan kung bakit medyo lamang si Mang Donald para sa akin. Malaki kasi ang posibilidad na makikipagkasundo siya kay Vladimir Putin na presidente ng Rusya tungkol sa usapin nang giyera sa Syria.

Ang sabi kasi ni Mang Donald noong panahon ng kanyang pangangampanya ay makikipag-usap siya kay Mang Vladimir upang maayos ang gulo sa Syria. Kung magiging totoo ang sinasabing ito ni Mang Donald ay isang malaking hakbang ito papalayo sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig, isang giyera na maaaring ikaubos ng sangkatauhan at ikawasak ng sanlibutan.

Kung si Aling Hillary naman ang mananalo, ang gagawin niya, ayon sa kanyang mga pahayag, ay ang magpatupad nang tinatawag na “no fly zone” sa Syria at ipagpapatuloy niya ang “freedom of navigation” sa South China Sea. Ito ay mga mapanghamon na kilos laban sa Rusya at Tsina na maaaring maging mitsa nang isang pandaigdigang digmaang nukleyar.

Ano na lang ang sasapitin natin kung sakaling magbakbakan ang mga Amerikano at Tsino sa South China Sea? Naniniwala ba kayo na hindi tayo maaapektuhan ng giyera nila gayong may mga puwersang Amerikano sa ating bansa? Hindi ba tayo tatamaan ng kanilang mga nukleyar na armas?

Marami ang may palagay sa Amerika at buong daigdig na isang war monger si Hillary. Sinasabing malaki ang naging bahagi niya sa kaguluhang nagaganap ngayon sa Libya at iba pang bahagi ng Mena (Middle East at North Africa) noong siya ang State Department secretary. Lumabas ang umanoý naging papel niya sa mga kaguluhang ito nang ibunyag sa mundo ng wikileaks ang kanyang mga sinasabing email.

Bukod sa Amerika, Rusya at Tsina ay tiyak na masasangkot din sa posibleng magiging digmaan na hatid ni Aling Hillary ang Iraq, Iran, halos lahat ng mga bansa sa Gitnang Silangan, Ukraine, mga bansa sa Central at Latin Amerika, at maraming mga bansa sa Silangan at Kanlurang Europa. Malawak ang magiging saklaw ng digmaan ito at higit na mas marami ang mamamatay kumpara sa mga nagdaang giyera sa mundo kung matutuloy ang plano ni Aling Hillary.

Maraming masasabing hindi maganda laban kay Mang Donald pero mani lang iyon, ika nga, kung ikukumpara sa mga bagay na sinasabi laban kay Aling Hillary…

 

 

 

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.