Environment News

Dating Pangasinan Rep. Mark Cojuangco pinipilit na “ligtas” ang Bataan Nuclear Power Plant

Bataan Nuclear Power Plant Photo © http://mapcarta.com
Bataan Nuclear Power Plant Photo © http://mapcarta.com

SA pagsasabing ligtas ang Bataan Nuclear Power Plant ay tinangkang pasinungalingan ni dating Pangasinan Rep. Mark Cojuangco  ang ang datos na nauna nang lumabas kaugnay sa pag-aaral na ginawa ng mga siyantipiko tungkol dito.

Ayon sa kanya ay hindi dapat mangamba ang publiko kung sakaling gamitin ng kasalukuyang administrasyong Duterte ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) dahil bukod sa ligtas ay malaki ang katipiran na ihahatid nito sa bayan kumpara sa kasalukuyang halaga ng kunsumo sa kuryente.

Former Pangasisnan Rep. Mark Cojuangco © Politiko Luzon
Former Pangasinan Rep. Mark Cojuangco © Politiko Luzon

Sinabi pa ni Cojuangco na kung gagamitin natin ang BNPP ay magbubukas ito ng mga pintuan para sa maraming mamumuhunan at negosyo sa bansa dahil sa ibubunga nitong katipiran kaugnay sa gastusin sa kuryente.

Magugunitang ang 600 megawatt na BNPP ay binili mula sa Westinghouse at sinimulang itayo noong 1976 at nakumpleto noong 1984. Ito ay ginawa upang matugunan ang kakulangan sa supply ng kuryente sa Luzon lalo na sa nooý Clark Airbase at Subic Naval Base ng mga Amerikano. Ito ang sagot ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa oil crisis noong 1973. 

Mula sa US $500 milyon ay umaabot na ng US $2.3 bilyon ang gastusin natin sa BNPP na matatagpuan sa Morong, Bataan. Lumalaki ang halaga ng BNPP dahil sa binabayaran pa rin ng pamahalaan hanggang sa ngayon ang interes ng pagkakautang nito sapagkat tumanggi ang mga sumunod na naupong administrasyon na itatwa ang mga utang na may kaugnayan sa BNPP, kahit na ang tanging nakinabang lamang sa mga ito ay ang mga oligarkiyang pamilya na kapaksyon ni dating Pangulong Marcos.

Maliban sa lumalaking gastusin para sa plantang nukleyar ay kakailanganin din ng karagdagang pang US $1 bilyon para ma rehabilitate at magamit ang BNPP.

Ang BNPP ay nakatayo sa Napot Point sa pagitan ng Philippine Fault at West Luzon Fault sa paanan ng Mt. Natib, isang patay na bulkan na tulad ng Mt. Pinatubo. Bukod pa sa delikado ito sa lindol ay lumabas sa isang ginawang imbestigasyon noong 1979 na may 4,000 depekto sa BNPP, na ang plantang nukleyar ay overpriced, at ang modelo na itinayo sa Bataan ay matagal ng paso ang teknolohiya at bawal nang itayo sa Amerika.

Sa kabila ng mga ito ay pinipilit pa rin ni Rep. Cojuangco na ligtas ang Plantang Nukleyar at matipid kumpara sa isinusulong ng iba na Solar Energy na doble ang puhunan.

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.