News

“Child Abuse” ang pagpapabaya ng magulang sa anak

Child abuse poster Photo © https://onemrjones.wordpress.com
Child abuse poster Photo © https://onemrjones.wordpress.com

ANG pagpapabaya ng magulang sa kanilang mga anak na may edad 11 pababa ay isang uri ng “child abuse” na maaring magbulid sa bata sa kasamaan.

Ito ang tahasang sinabi ni Dr. Kathryn Tan, isang psychiatrist ng National Center for Mental Health, sa isang pulong balitaan kamakailan sa Lungsod Quezon. Sinabi niya na ang hindi pagbibigay ng tamang gabay at pagaaruga sa isang bata ay maituturing na child abuse.

Ayon kay pa rin Dr. Tan, ang psychiatry assistant chief, Acute Female Division ng NCMH; dahil sa hindi pag-aaruga sa isang bata ay lumalaki ang posibilidad na maging problema ito ng lipunan at maaring maging adik ito sa ipinagbabawal na gamot. Ipinaliwanag niya na “malakas ang hatak ng lipunan, pamilya at kapaligiran para malulong sa ipinagbabawal na gamot ang isang bata kung hindi ito mabibigyan ng tamang atensyon at pag-aaruga.”

Sinabi pa ng naturang doctor na upang huwag mapariwara ang bata ay dapat pahigpitin ng mga magulang ang kanilang pamilya at bigyang ng tamang pag-aaruga ang isang bata na siyang gagabay sa kanyang paglaki.

Idinagdag pa ni Dr.Tan na malaki din ang posibilidad na malulong sa illegal drugs ang mga bata na ang mga magulang ay nagtatrabaho bilang Overseas Filipino Worker (OFW) sa ibayong dagat dahil walang nag-aaruga sa mga ito.

Ganito rin ang pananaw ni Dir. Josephine Tobia, hepe ng Advocacy Social Marketing ng Overseas Workers Welfare Administration.

Diin ni Tobia, malaki ang papel na ginagampanan ng magulang para mahubog sa tamang asal at landas ang isang bata  at ito’y sa pag-aaruga ng magulang sa bata.

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.