Opinions

Ibang klase si Pangulong Rodrigo Duterte*

usaping bayanNGAYON lang tayo nagka-presidente na tahasang nagsabi na tatahak tayo ng malayang landas pagdating sa pakikipagugnay sa ibang bansa, lalo na sa Estados Unidos.

Hindi tulad ng mga nagdaang pangulo, lalo na si Benigno Simeon Aquino III, na kitang kitang may ibang interes na kinokonsidera sa mga hakbangin nito katulad na lamang ng walang pakundangang pagsasampa nito ng demanda laban sa mga Intsik sa Arbitral Tribunal sa The Hague.

May palagay ako na ang ginawang iyon ni BS Aquino ay dahil sa susol ng mga dayuhan at hindi sa ating pangmatagalan o istratehikong interes.

Ang pagiging malaya mula sa impluwensya ng mga dayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay isang malaking biyaya sa ating bayan sapagkat sa unang pagkakataon mula 1962 ay maari tayong pumanday ng isang malayang bukas. Harinawa ay manatiling totoo ang pangulo sa kanyang mga binitiwang salita na tayo ay isang malayang bansa sa lilim ng kanyang administrasyon.

*  *  *

Madalas kong naririnig sa mga kritiko ang tanong na, “bakit hindi minumura ni Pangulong Duterte ang mga Intsik gayong sinakop nila tayo?”

Nagugulat ako sa mga sinasabi nila sapagkat tila salat sa pagkakaunawa sa isyu ang mga ito. Totoong nasa loob Exclusive Economic Zone natin ang mga Intsik at masasabi natin na pananakop nga ito pero huwag natng kalilimutan na walang tao sa mga lugar na sinasabi. Ang mga lugar na ito ay mga bato lamang na lumilitaw mula sa karagatan kung low tide.

Maliban sa mga mangingisda na pinagbabawalang mangisda sa mga lugar na ito ay wala ng iba pang perhuwisyo na nangyari at walang namatay sa atin.

Hindi naman maitatanggi ng mga kritikong ito na ang ginawang pananakop sa atin ng mga Kastila, Ingles, Amerikano at Hapones ay nagbunga ng kahirapan, kamatayan, kasiraan ng ating kultura at pambansang kaakuhan o national identity.

Pero bakit marami sa kanila na “galit na galit” sa pananakop ng mga Intsik ay tahimik sa ginawa namang pananakop sa atin ng mga Kastila, Ingles, Amerikano at Hapones?  Walang naririnig ang Usaping Bayan na pagkondena mula sa kanila kaugnay sa pinaggagawa ng mga ito sa atin.

Hindi puwedeng ikatwiran na panahon pa iyon ni Mahomma at dapat nang kalimutan sapagkat hanggang ngayon ay wala tayong naririnig na paghingi nang paumanhin mula sa mga mananakop na iyon.

* * *

Nakatutuwang may mga checkpoints ngayon sa Kalakhang Maynila sapagkat binibigyan nito ng kapanatagan ng isip ang taong bayan. Bukod dito kitang kita na magalang ang mga nagpapatupad ng checkpoints tulad na lamang ni PO1 Albunian ng Anonas Police Station, Central Police District Office.

Nuong isang gabi ay napadaan ako sa checkpoint ng Anonas Police Station sa kahabaan ng Katipunan Avenue at masdasabi ko na maayos ang trato ng mga pulis sa mga nasisita nila. Kaya kudos sa mga katulad mo PO1 Albunian.

Magalang rin ang mga pulis na sumalubong sa akin sa Eastern Police District Office Headquarters Annex sa tapat ng Department of Education main office at sa main EPDO HEadquarters sa Caruncho complex kahapon araw ng Linggo. Ako ay kaagad na inasistehan at nakuha ko ang mga impormasyon na aking hinahanap mula sa mga magagalang na sarhento de mesa doon.

Mabuhay ka classmate Chief Supt. Romulo Sapitula, ang hepe ng EPDO. Ayos ang mga tao mo.

 

 

 

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.