News

Sa kabila ng CARP mahirap pa rin ang mga magsasaka

DAR Secretary Rafael Mariano Photo © newsinfo.inquirer.net/
DAR Secretary Rafael Mariano Photo © newsinfo.inquirer.net/

SA kabila ng malaking lawak ng lupain na naipamahagi na sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program ay nanatili pa rin na mahirap ang mga magsasaka.

Ito ang napansin kamakailan ni Kalihim Rafael Mariano ng Kagawaran ng Repormang Agraryo of Department of Agrarian Reform (DAR) habang pinagaaralan niya ang resulta ng pagpapatupad ng CARP sa buong bansa.

“Mahigit 28-taon mula nang ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP, wala pa ring malinaw na indikasyon ng pag-alwan ng buhay ng ating mga magsasaka, ani ni Mariano.

Sinabi pa ni Mariano na ang agriculture at agrarian reform sectors ay nananatiling pinakamaliit na kontributor ng Gross Domestic Product (GDP) na umaaabot lamang ng 9.49 porsyento sa unang kuwarter ng 2016.

Ayon pa kay Mariano ang Pilipinas ay isa sa pinakamalaking importer ng food products at ito ay umaabot sa halagang 1 bilyon dolyar (US) taon-taon

Sinasabayan pa ito ng problema sa land use conversion, na nagdudulot ng pagliit ng ating agricultural lands, na direkta namang nakaaapekto sa ating food security” dagdag pa ni Mariano.

Kaugnay nito sinabi ng kalihim ng DAR na batay sa kanilang field report, ang  mga farmers cooperative ay naloloko ng mga dating landowners sa pamamagitan  ng pagbuo ng business ventures na pabor  lagi sa dating may-ari ng lupa.

Ang business joint venture ng mga magsasaka at landowners ay batay sa DAR Administrative Order No. 09-06 o ang Revised Rules and Regulation Governing Agribusiness Venture Arrangements (AVA’S) in Agrarian Reform Areas.

Batay sa Republic Act (R.A.) NO. 6657 na mas kilala sa Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988 as amended at ang implementing provision nito na Executive Order (E.O) No. 129-A, bukod sa pamamahagi ng lupa ay magkakaloob din pamahalaan ng ibang tulong kabuhayan sa mga magsasaka upang mapaunlad ang pamumuhay ng mga ito habang ipinatutupad ang agrarian reform.

Ayon naman sa Administrative Order No. 2 Series of 1999, ay imomonitor ang mga agribusiness venture arrangements sa agrarian reform areas na nasa ilalim ng CARP.

Samantala, sinabi ni Joseph Canlas, chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), na dahil sa mga umiiral na batas sa repormang agraryo ay lalo lamang nababaon sa hirap ang mga magsasaka dahil ang mga batas na ito ay pabor lamang sa mga panginoong maylupa.

“Yung isang kamay ng batas sa agrarian reform ay namamahagi ng lupa sa magsasaka, habang yung isang kamay naman nito ay binabawi ang lupa sa magsasaka” paliwanag ni Canlas.

Idinagdag pa ni Canlas na ang joint venture scheme na ipinapain sa mga magsasaka ang numero unong dahilan kaya nananatiling silang taga bungkal lamang ng naturang lupa.

“Sa ilalim ng batas ng DAR na Joint Venture, magiging mag-ari ng lupa ang magsasaka sa naturang kasunduan subalit sa papel lamang ito,” ani pa ni Canlas.

Ayon pa kay Canlas marami pa ring lupang sakahan ang di pa naipapamahagi gaya ng DOLE Philippines sa Negros, at ang Hacienda Luisita.

“Yung mga dating opisyal ng DAR (noong nakalipas na administrasyon) ay sa mga panginoong maylupa nagsisilbi at hindi sa mga magsasaka”  dagdag pa ni Canlas.

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.