Opinions

Namumulaklak ang Kalikasan*

Vics-Portrait-passport-NameMASYADONG nagbabaga na ang mga balita ngayon hinggil sa droga sa Pilipinas. Naririyan din itong nalalapit na halalan sa Amerika – kanya-kanyang punahan ang bawat kampo. Ang mga giyerang nangyayari sa Middle East at ang problema sa terorismo’t mga refugees sa Europa ay walang tigil na nakikita sa TV o Facebook at iba pang social media. Nakalulungkot.

Dahil dito dinadaanan na lang natin ang mga kagandahang araw-araw ay ibinubulalas ng Kalikasan.Wala man lang tayong isang sandali para huminto sa paglalakad at namnamin ang halimuyak ng isang rosas sa ating dinadaanan; o tingnan man lang ang ganda ng ulap o takip-silim na nasa ating harapan. Nakahihinayang – dahil malaki ang maitutulong nito sa ating kamalayan, sa ating buhay at pakikitungo sa kapwa at kapaligiran.

Photo © Vics Magsaysay
Photo © Vics Magsaysay

Marami na ring pag-aaral ang naiukol tungkol sa epekto nang pagbibigay ng kaukulang atensyon sa Kalikasan. Nabasa ko nga sa National Geographic na pati pagtatanim pala ng halaman sa isang kulungan sa Amerika ay may positibong resulta sa mga bilanggo – nakabawas daw ito ng mga damdaming hindi kanais-nais na naging dahilan kaya sila nabilanggo. Ang maging “konektado” sa Kalikasan ay parang isang neutralizer sa ating mga emotional turmoil.

Bakit nga naman hindi makaiigi gayong tayo ay iisa sa Nature o sa Kalikasan? Sa dami kasi ng ating mga iniisip, ang ating “connection” sa kalikasan ay humihina kaya ayun, stressed, may kaba palagi at hinahanap ang saya ng buhay sa pamamagitan ng sobrang pagkain, sex, pag-shoshopping, pag-iinom at ang malungkot, pag dodroga, para kumalma o makaranas ng panandaliang ligaya. Kung tayo nga naman ay laging nakatutok sa ganda ng ating kapaligiran, hindi mo na kailangang gumastos pa para maging maligaya. Hindi pa butas ang ating bulsa, tama po ba?

Naalaala ko tuloy iyong buhay ng isang sikat na pintor, si Jackson Pollock. Halos depressed siya dahil walang nangyayaring maganda sa mga paintings niya sa New York. Sa kanyang desperasyon, pumunta siya sa isang countryside sa New Jersey. Duon ay natuto siyang magbungkal ng lupa at magtanim. Hindi nagtagal duon niya nadiskubre ang iconic style sa pagpipinta na ikinatanyag at ikinayaman niya. Ito´y isang testimonya na ang kalikasan ay may kakayahang pakalmahin at paigtingin ang ating creativity, lalo na kung ikaw ay isang artist.

Photo © Vics Magsaysay
Photo © Vics Magsaysay

Kaya nga may kasabihang kung hindi ka man naniniwala sa Diyos, mas mabilis mo Siyang ”makikilala” kung ikaw ay lalangoy sa kanyang mga ginawa para sa atin – sa Kalikasan. Magiging ispiritwal ka rin dahil matutunan mo na lahat pala tayo ay iisa — maging hayop, halaman man o bato; na ang lahat ay dapat mahalin – hindi ba’t ito ang adhikain ng mga relihiyon?

Iyong masdan mo lang ang bulaklak sa harapan mo ay nakakakalma na lalo na kung magkaroon ka ng rapport o “connection” sa kanya. Kaya nga may makikita tayo sa Rizal Park na magkalaguyo o indibidwal na ninanamnam ang nakabibighaning tanawin ng takip-silim sa Manila Bay. Animo’y nabato-balani sila sa ganda nang ipininta ng “Master Painter. Sabi nga sa Ingles, “It takes your breath away.”

Kaya nga ngayon, usong-uso, lalo na sa mga kabataan, iyong “nature-tripping” tulad nang pagha-hiking o camping para ang mga gumagawa nito ay mapalapit sa Kalikasan. Iba rin kasi kapag ang ating likuran ay nakadikit sa lupa o sa Inang Kalikasan kapag tayo’y nakahiga rito sa halip na sa kama. May enerhiyang natatanggap tayo. Iyon lang umupo at isandal natin ang ating likuran sa malaking puno ay makakaramdam na tayo ng kaginhawan. Sa pagsusuri nga lumaabas na ito daw ay humihigop sa ating mga negative energy.

May paborito akong spot sa may Mount Palomar sa San Diego, California. Kapag umupo ako duon sa malaking juniper tree, sa loob lang ng 15 o 30 minutos, laking gaan pagkatapos ang aking pakiramdam. Hindi ko na kailangang mag-meditate, iyong puno na ang sumasapo ng kung ano mang bigat na aking iniisip at para bang sinasabing, ”Namnamin mo na lang ang sarap ng ngayon dahil walang nakaraan, walang hinaharap; ang lahat ay nangyayari ngayon.”

Photo © Vics Magsaysay
Photo © Vics Magsaysay

Kung ikaw naman ay may camera, mas magandang maire-record mo ito at tuluyang gawing immortal ang iyong mga nakita. Hindi lang iyong focus ay nasa Kalikasan sa iyong ginagawa naibubulalas mo pati ang iyong creativity at ang fulfillment na iyong mararamdaman. Hindi ito mapapantayan ng salapi.

Kapag nakakuha ka na at naging masaya sa resulta ng litrato nanduon na iyong option na i-upload sa Facebook para naman mai-share mo ang ganda ng kalikasan sa iba. Sa halip na gulo at problema, neutralizing ang ginagawa mo. Nakakapagpasaya na tayo kapwa lalo na kung ayos ang kuha at ang subject mo ay oks rin.

Kung ang mga tao nga lang ay laging naka-focus sa ganda ng Kalikasan, malaking tulong ito para mas mapatahimik ang ating niloloob. Kung tahimik ang kalooban, tahimik din ang isipan at kapayapaan ang lumalabas sa ating bibig at mga gawain. Mababawasan pati ang alitan sa mundo. Magiging masaya at mapagpasalamat tayo sa gandang ibinibigay ng Kalikasan dahil mas lalong maraming kaligayahan ang ating makakamit sa buhay, materyal man o hindi.

Itanim ang pagka-giliw sa Kalikasan sa ating puso. Pag-usbong nito, ikaw, ako, tayong lahat ang makikinabang. Lalong magiging makulay at mamumulaklak ano mang ating makikita sa kapaligiran.

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines

Vics Magsaysay, Ph.D.
Vics Magsaysay, Ph.D., is a Los Angeles-based writer, fine art nature photographer, painter, graphic designer, makata (Filipino poet) and holds a doctorate degree in clinical hypnotherapy.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.