Opinions

Abu Sayyaf nagbabala ng maraming pagsabog*

FIRING LINEMATAPOS ang karumal-dumal na pagpapasabog sa night market sa Davao City noong Biyernes kung saan 14 na buhay ang nasawi at mahigit 70 tao ang sugatan, nagbabala ang Abu Sayyaf Group (ASG) na marami pang susunod na pambobomba.
 
Ayon kay Abu Rami, tagapagsalita ng ASG, ang naganap daw sa Davao ay panawagan ng pagkakaisa para sa lahat ng mujahideen at Islamic State (IS) sa bansa sa gitna ng opensiba ng militar laban sa kanilang grupo.
 
Ang international terrorist group na IS kung saan sila sumumpa ng katapatan ay may pagkakaisa raw sa Pilipinas. Hindi raw sila natatakot kay President Duterte at sa taktika nito sa giyera, kahit ipadala pa niya sa Jolo ang lahat ng tropa sa Pilipinas.
 
Ang pag-atake umano sa Davao City ay hindi taktika upang mailihis ang atensyon ng puwersa ng gobyerno sa pagtugis sa ASG sa Sulu at Basilan. Asahan daw ang katulad na mga pag-atake sa mga susunod na araw.
 
Dahil sa pagsabog sa Davao City ay nagdeklara ang Pangulo ng “state of lawless violence” sa buong bansa. Nagdeklara rin ng todo alerto ang PNP at DILG. Pinapayuhan nila ang mga mamamayan sa buong bansa na maging mapagmasid at pansamantalang umiwas sa mga mataong lugar.
  
Kung paniniwalaan ang pahayag ng tagapagsalita ng ASG ay kinukumpirma nito ang noon pang katanungan kung napasok na ba tayo ng teroristang IS. Gayunman, walang nakatitiyak kung totoo ito, tinatakot lang nila ang gobyerno o pinalalakas lang nila ang loob ng isa’t isa.
 
Hindi madaling buwagin ang ASG dahil bukod sa kuta nila sa mga gubat at bundok ay marami sa kanila ang kahalubilo at tinutulungan ng mga residente ng barangay bunga ng takot, o kaya ay dahil kaanak nila ang mga ito.
 
Ang ASG ang sinisisi sa maraming pambobomba, kabilang na ang pagpapasabog sa isang ferry sa Manila Bay noong 2014 na kumitil sa 116 tao.
 
Kilala rin ang grupong ito sa paghingi ng ransom kapag may dinukot sila, at pagpugot sa ulo ng binihag na dayuhan o Pilipino kapag hindi naibigay ang pera na hinihingi.
 
Bilang tugon sa opensiba noong 2005 ay binomba ng ASG ang Davao, isang kalapit na lungsod at ang Maynila.
 
Ngayon ay maliwanag na nasasaktan muli ang ASG sa opensiba ng gobyerno kaya desperado na sila. At ang mga desperadong tao, tulad ng nasusukol na mga hayup, ay lubhang mapanganib.
 
Mahalagang mag-ingat ang mga mamamayan at magbantay nang husto ang mga awtoridad.
 
*              *              *
 
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.
* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines
Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.