News

Bahagi ng Hacienda Luisita ipamamahagi na sa mga magsasaka

Entrance to Hacienda Luisita Photo © http://www.chrispforr.net
Entrance to Hacienda Luisita Photo © http://www.chrispforr.net

MATAPOS ang mahabang panahon ng pighati at paghihintay ay mukhang makakamit na rin ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang kanilang pangarap na maging may-ari ng lupa na matagal na nilang sinasaka.

Ang sinag ng liwanag ay kanilang nabanaag matapos ipahayag kahapon ni Rafael Mariano, kalihim ng Kagawaran ng Repormang Agraryo o Department of Agrarian Reform, na ipaiilalim na sa repormang pangsakahan ang malawak na lupain ng pamilya ng mga dating pangulo na sina Corazon Cojuangco-Aquino at Benigno Simeon Aquino III.

Napagalaman mula sa dating aktibistang kalihim na ibinasura na ng kanyang tanggapan ang mosyon ng Tarlac Development Corporation (TADECO), ang kumpanyang namamahala sa hacienda, na humihiling na huwag isama sa repormang agraryo ang Hacienda Luisita.

Agad na ipinagutos ni Kalihim Mariano ang pamamahagi sa mga magsasaka nang 358.22 ektaryang pangunahing sakahan ng hacienda na matatagpuan sa mga barangay ng Belete at Cutcut sa Lungsod ng Tarlac.

Inutusan din ni Kalihim Mariano ang Provincial Office ng DAR sa Tarlac na agad ipatupad ang kumpletong land acquisition at pamamahagi ng lupa sa naturang pinag-uusapang properties  para maipatupad ang Section 30 ng Republic Act No. 9700.

Bukod dito ibinasura rin at ibabasura pa ng DAR ang lahat ng mosyon na maaaring isampa ng TADECO sa naturang usapin dahil umano sa kawalan ng merito.

Ayon kay Atty. Luis Menrado C. Pangulayan, DAR Undersecretary for Legal Affairs Office Pangulayan, wala na silang tatanggapin pang motion ng TADECO kaugnay sa naturang usapin.

Diin ni Kalihim Mariano, wala nang balakid para hindi maipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga magsasaka at manggagawang bukid maliban na lamang kung makahihingi  ng Temporary Restraining Order mula sa Korte Suprema ang TADECO.

Ang desisyon ng DAR na ipasailalim ang bahagi ng hacienda sa repormang agraryo ay bunga ng pagkatig nito sa petisyon ng Alyansa ng Manggagawang Bukid ng Asyenda Luisita (AMBALA),  isang samahan ng mga magsasaka na humiling na isama ang naturang lupain sa CARP.

Nabili ng TADECO ang hacienda noong 1957 mula sa Compania General de Tabacos de Filipinas, isang kumpanyang Kastila. Ang hacienda ay may kabuuang laki na 6,453 ektarya o kasing laki nang pinagsamang teritoryo ng mga Lungsod ng Makati at Pasig.

Ipinaliwanag ni Mariano na ang 358.22 ektaryang lupa  na ipino-protesta ng TADECO ay hindi kasama sa 4,915 ektaryang Hacienda Luisita Incorporated na nakapaloob sa Comprehensive Agrarian Reform Program ng pamahalaan at kasalukuyang pinagtatalunan sa Korte Suprema.

Matatandaan na noong Nov. 4, 2004 ay 12 magsasaka at dalawang bata ang namatay matapos na marahas na gibain ng mga sundalo at pulis ang barikada ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita.

Humihingi lamang ang mga manggagawang bukid ng maayos na sahod, benepisyo at pangako na isasama ang hacienda sa repormang agraryo ng sila ay marahas na palayasin ng mga awtodridad sa utos daw ng dating Kalihim ng Paggawa na si Patricia St. Domingo.

 

 

 

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.