News

Senadora De Lima magbibitiw kapag napatunayang sangkot sya sa illegal drugs

Senator Leila de Lima Photo © http://philnews.ph
Senator Leila de Lima Photo © http://philnews.ph

MAGBIBITIW sa kanyang pagiging senadora si Leila De Lima kung mapapatunayan ang bintang laban sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ay protektor o sangkot sa kahit anong paraan sa ipinagbabawal na gamot.

Ito ang pangako ni Sen. De Lima sa mga bumabatikos sa kanya kaugnay ng diumano ay pagkakasangkot niya sa illegal drugs.

“I will resign,” ang maikling pangakong binitiwan ni De Lima sa isang pulong balitaan (press conference) sa Quezon City noong Sabado.

Kasabay nito ay naging emosyunal muli si De Lima habang nanawagan kay Pangulong Duterte na maghinay-hinay sa mga akusasyon laban sa kanya kung wala rin naman siyang sapat na ebidensya.

“Suriin nyo po mahal na pangulo ang mga yan (ebidensya). Kung may hawak na kayo na mga ebidensya ay tiyak na peke, bogus at hindi yan totoo” sabi ni de Lima.

Ipinaliwanag ng senadora na masyado na siyang nasasaktan dahil sa bintang na siya ay protektor ng mga drug lord at sa ginawang pagdadawit ni Duterte sa kanyang dating driver na si Ronnie Dayan sa isyu.

Ayon pa kay De Lima nilalabag ng Presidente ang kanyang karapatang pantao dahil sa patuloy na pagdadawit nito sa kanya bilang protector ng illegal drugs at mga drug lord.

Magugunitang si De Lima ay matagal nanungkulan bilang chairperson ng Commission on Human Rights (CHR) noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at kalihim ng DOJ sa panahon ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

Bilang puno ng CHR ay inimbestigahan ni De Lima si Pangulong Duterte, na noo’y alkalde pa lamang ng Davao City, kaugnay ng sinasabing pagkakasangkot nito sa Davao Death Squad na siyang nasa likod ng mga Extra Judicial Killing sa nasabing lungsod.

Walang nangyari sa imbestigasyon ni De Lima.

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.