Opinions

Nagpatawa ang tunay na katawa-tawa

usaping bayanNAKALULUNGKOT na para kina Senador Manny Pacquiao at Vicente Sotto III ay tila parang laro-laro lamang ang usapin ng pagbabalik ng kaparusahang kamatayan sa ating kodigo penal na kinailangan pa silang paalalahanan ni Senador Francis Pangilinan na seryoso ang usapin na tinatalakay dahil nakasalalay dito ang buhay ng isang tao.

Humingi naman agad na paumanhin si Pacquiao dahil sa kanyang pakikipaghagikgikan kay Senador Sotto habang pinaguusapan ang mga posibleng paraan kung paano bibitayin ang isang sentensyadong kriminal. Nabanggit kasi na bitay (death by hanging) ang dapat na gamitin sa pagpatay sa bilanggo dahil “sisipain lang ang upuan.” Sa puntong iyon ay nagtawanan ang mga senador na ito at sa punto rin na yun sila pinagsabihan ni Senador Pangilinan.

Mahalagang sa kabila ng kanyang paghingi ng paumanhin, nalantad sa bayan ang estado ng pananaw ni Pacquiao, na ang parusang kamatayan ay walang bigat para sa kanya. Kung ano ang bigat ng mga pinawawalang niyang suntok sa apat na sulok ng lona ay siya namang gaan ng kanyang buong kaisipan pag dating sa mahalagang usapin na may kaugnayan sa panukalang ibalik ang bitay bilang kaparusahan sa mga nakagawa ng karumal-dumal na krimen.

Sa isang maikling panahon ay naturuan si Pacquiao ng mga bagay-bagay tungkol sa bibliya. Pero isang trahedya na ang natutunan ng bagitong senador ay ang tungkol lamang sa Lumang Tipan kung saan ang nabigyang diin sa pagkakasulat ay ang mga batas ng Hudyo at ang kanilang makitid na pagkakaunawa sa katarungan – yung tinatawag na mata sa mata at ngipin sa ngipin (an eye for an eye, a tooth for a tooth).

Mukhang hindi naituro sa kanya ang mensahe na pag-ibig at pagkahabag (Love and Mercy) ng Bagong Tipan. Maari rin naman na mali ang kanyang pagkakaintindi sa buod ng Bagong Tipan dahil sa anking kasalatan ng kamulatan.

Dapat mong malaman Senador Pacquiao na ang batas at katarungang walang gabay ng pag-ibig at habag ay hungkag at hindi kapuri-puri sa Diyos.

Dahil masalimuot ang Banal na Aklat kaya hindi ito dapat ginagamit ng walang habas tulad ng ginagawa ng mga “bible quoting evangelists.” Mapanganib ito kung hindi tama at walang malalim na pagkakaunawa ang mga gumagawa nito, tulad halimbawa ni Pacquiao. Nagiging katawa-tawa lamang at hindi sila nakatutulong para palaganapin ang tamang buod na Mabuting Balita.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

One Reply to “Nagpatawa ang tunay na katawa-tawa

  1. Hindi kaya dapat munang pagtuunan ng pansin ang “Justice System” ng bansa bago ang “Capital Punishment” o Death Penalty? Hindi ako abogado, ngunit para sa isang regular na mamamayan na katulad ko, marahil ang mabagal at kwestiyonableng Justice System ng bansa mula sa pagdakip, pag kulong, paglilitis at iba pa ang siyang dapat pag-usapan sa senado para mapaigi ito nang mabawasan naman ang mga pagkakamali na siyang nagiging sanhi ng pagkakakulong ng mga di naman dapat o napakabagal na pag-usad ng mga kaso. Kapag pwede na natin talagang bigkasin ang “…beyond reasonable doubt” sa paghuhukom, marahil doon lamang natin dapat paglimian kung nararapat ngang magkaroon ng “Death Penalty” sa ating bansang kilala sa pagiging mapagpatawad, lalo na sa paglalagay sa posisyon ng mga politikong nagkamali o nagkasala na sa bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.