Pilipinas pinasok ng Mexican drug cartel*

FIRING LINEKINUMPIRMA ni President Duterte sa kanyang talumpati sa harap ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na nakapasok na sa ating bansa ang Mexican drug cartel na Sinaloa.

Dahil umano sa mahigpit na patakaran ng bansang Amerika sa iligal na droga kung saan binobomba at halos durugin nila ang Sinaloa, ay inilipat ng naturang drug cartel ang operasyon nila sa ating bansa at ginawa tayong transshipment.

Noong Enero 2015 ay nahuli umano ng mga operatiba ng PDEA ang 39-anyos na Mexican at miyembro ng Sinaloa drug cartel na si Horacio Hernandez sa Makati City, sa pagbebenta nito ng cocaine na nagkakahalaga ng P12 milyon.

Sinalakay rin ng kapulisan ang isang farm para sa mga panabong sa Lipa City, Batangas at nakakumpiska ng 84 na kilo ng shabu. Ang Batangas ay lungga umano ng mga kasabwat ng pinuno ng Sinaloa.

Ang pangamba ba na baka lumawak ang impluwensya ng Sinaloa at ng kanilang bawal na droga sa bansa ay isa sa mga dahilan kaya todo ang kampanya ng kapulisan laban sa droga?

*              *              *

Sa wakas ay napagkasunduan din kung saan ililipat ang 160 drug lord at pusakal na nakapiit sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP).

Ito ay sa Caballo Island na dating kilala bilang Fort Hughes, at matatagpuan sa silangang bahagi ng Corregidor. Kasalukuyan itong inookupahan ng Philippine Navy.

Malakas ang posibilidad na matutuloy ang paglilipat dahil nag-ocular inspection na ang mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) sa isla.

Dati nating tinalakay na patuloy na sasakit ang ulo ng mga opisyal ng gobyerno sa paulit-ulit na pagsalakay at pagkumpiska ng mga kontrabando sa loob ng Bilibid. Masyadong malalim na ang pagkakabaon ng kuko ng korapsyon sa loob ng NBP.

Maaaring mapahinga ito ngayong puwersa ng PNP-Special Action Force (SAF) ang itinalagang kapalit ng prison guards para magbantay sa pasilidad.

Pero ang tanong ay kung hanggang kailan magiging tapat at magpapakasanto sa tungkulin ang mga bantay na pulis kung sinisilaw sila ng P1 milyon alok ng mga drug lord, kapalit ng bawat cell phone na maipupuslit sa loob ng piitan?

Ayaw nating siraan ang integridad ng kapulisan pero sa hirap ng buhay sa kasalukuyan, ang alok na P1 milyon ay hindi biru-birong halaga.

Ang paglilipat sa isang isla na walang signal para sa cell phone, Internet at anumang gadget ang pinakamagandang paraan para maputol ang patuloy nilang komunikasyon sa pagnenegosyo ng bawal na droga nang kahit nakakulong.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.