Hinay-hinay lang*

usaping bayanSA napipintong pakikipag-usap ng ating pamahalaan sa pamahalaang Tsino ay may palagay ako na mas makabubuting huwag nating ipangalandakan ang ating tagumpay sa The Hague International Arbitral Tribunal.

Dangan kasi ay para itong kalamansi na ipapatak natin sa sariwang sugat. Kaya imbes na maghilom ang ating hindi pagkakaunawaan ay lalo lamang lalamin ang sugat na maaring mauwi sa digmaan. Tulad nating mga Pilipino, mahalaga sa mga Intsik ang mukha at tulad din natin, ayaw nilang hinihiya sila sa harap ng marami.

Pinaka-mainam na maging mahinahon tayo at dapat maging malinaw sa atin na kaya maraming sumusulsol na ituloy natin ang laban, tulad ng U.S., Japan at Australia; ay hindi dahil para isulong ang ating intereas kundi para mapangalagaan ang kanilang mga pambansang interes.

Pansinin na ang lahat ng mga sumusuporta sa atin sa isyung ito ay mga bansang kanluranin o maka-kanluran samantalang maliban sa Vietnam ay wala tayong kapit bansa na kaalyado sa isyung ito. Dapat itong tingnan ng ating pamahalaan. Dapat nating alamin kung bakit hindi sumasama sa atin ang ating mga kalapit-bansa tulad ng Malaysia, Indonesia, Brunei, Cambodia, Laos at Thailand. Ilan lamang ito sa dapat na gawing pagsasaliksik ng ating mga pinuno bago gumawa ng hakbang.

Kailangan ng malalim na pagsusuri bago tayo kumilos. Hindi natin kailangan ng mga maangas o yung mga mahilig sa grandstanding na negosyador kung ibig natin na may positibong mangyari sa gusot na ito.

* * *

Kagabi, tulad ng ilang gabi na ang nakararaan, napadaan na naman uli ako kahabaan ng Congressional Avenue mula Luzon hanggang EDSA at tulad pa rin ng dati, ganun pa rin ang sitwasyon @#$#%^&$#. Naghambalang pa rin ang mga pribadong sasakyan na ginagawang parking lot ang isang linya ng daan.

Sadyang walang ginagawa ang barangay, pulisya at lokal na pamahalaan sa problemang ito @#^*(&%$%^&. Magkano kaya ang parating ng mga establisimiento sa kinauukulan sa lugar na ito?

* * *

Nakikiramay ako sa pamilya ng aking kaklase sa kolehiyo na si John Gilbuena. Yumao ang kanyang kapatid na si Carol matapos ang mahabang panahon ng pakikibaka sa sa sakit na cancer. Ang labi ni Carol Gilbuena-Pajadan ay nakaburol sa Divine Mercy Chapel sa Tunasan, Muntinlupa. Condolence sa iyo John at sa buo mong pamilya.

 

 

 

 

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.